INIHAIN na ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region (RTWPB-NCR) ang ₱470.00 na dagdag sa daily minimum wage ng manggagawa sa Metro Manila.
Mula sa kasalukuyang minimum wage na ₱537, nais ng TUCP na maitaas ang arawang sahod sa ₱1,007.00 ng mga manggagawa sa NCR.
Ayon sa naturang grupo, ang halaga ay base sa mga serye ng konsultasyon na kanilang ginawa.
Iginiit ng TUCP na napakaliit ng kita ng mga manggagawa kaya’t hindi ito sapat sa kasalukuyang sitwasyon.
“Panahon na para itaas ang minimum wage sa NCR. Hindi kami demanding. Hindi maluhong sahod ang nais namin sa mga manggagawa,” wika ni Jay Seno ng TUCP.
Ang petisyon namin para sa ₱470 na taas sa daily minimum wage sa Metro Manila ay sapat lamang para makabili ng sapat at tama at masustansyang pagkain ng mga manggagawa at kanilang pamilya,” dagdag nito.
“Ilang taon na walang wage increase… Kung hindi ito iga-grant makakabawi ba kami?”, saad ni Eva Arcos, Vice President for the Education and Information ng TUCP.
Sinabi naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na kailangan munang hintayin ang desisyon ng pamahalaan kaugnay sa excise tax bago gumawa ng hakbang para sa mga panawagan na dagdag sa minimum wage.
Ayon kay Concepcion, maaaring makatulong sa mataas na presyo ng gasolina ang pagtanggal sa excise tax at kinakailangan pa rin aniyang balansehin ang kasalukuyang sitwasyon.
“Well, dapat hintayin muna iyong anong gagawin nila dito sa excise tax at sa vat ‘no. Kung isa-subsidize nila, tanggalin or … iyong excise tax or iyong [unclear] tax, iyon baka makakatulong diyan sa pagtataas ng gasolina,” ani Concepcion.
Sagot naman ni TUCP vice president Luis Manuel Corral na matagal nang sinasabi ng partido na “kung hindi bibigyan ng subsidy yung isyu ng pagtaas ng petroleum products, kailangang mag-propose ang gobyerno ng out of the box measures bukod sa isyu ng excise tax.”
Sa kabila nito aminado rin si Concepcion na maaaring mahihirapan ang mga maliliit na negosyante sa naturang wage increase.
“Well, syempre iyong mas malaking korporasyon ay mas may kaya ‘no; pero iyong small to medium enterprises, iyon ang mahihirapan kasi sila talaga ang tinamaan. Dito naman sa mga negosyante galing sa tourism sector, kababangon lang iyan eh. Halos two years na walang negosyo,” ani Concepcion.
Samantala, saad naman ng Department of Labor and Employment (DOLE), patuloy pa ring pinag-aaralan ng RTWPB ang pagrepaso sa minimum wage
Ito’y matapos iniutos ni Labor Secretary Silvestre Bello na pag-aralang mabuti at pabilisin ang pagsasaayos sa minimum wage ng mga manggagawa.
Una na ring sinabi ni Bello na ang kasalukuyang minimum wage ng mga manggagawa sa NCR na nasa 537 ay hindi kakayanin ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain at singil sa tubig at kuryente.
“The wage board are actually mandated to review the current wage state… at ang paunang nakasalang diyan ay yung mga nauna na. And this petition of the TUCP is a welcome move actually,” wika ni DOLE ni Information and Public service Director Rolly Francia.
Umaasa naman ang TUCP na pag-aaralang mabuti at aaprubahan ang hiling nilang wage increase.