SA bisa ng isang operasyon na ikinasa ng Special Operations Unit-NCR ng PNP Drug Enforcement Group, dalawang suspek na itinuturing na high-value targets ang naaresto sa Barangay Bulihan, Plaridel, Bulacan.
Kinilala ang mga suspek na sina “Ry”, 40 taong gulang, at “Lian”, 55, isang Chinese national. Narekober sa kanilang pag-iingat ang tinatayang 103 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na ₱700.4 milyon.
“We will conduct a followup investigation on that kung konektado ito. Yun ang titingnan pa rin natin, icoconnect sa mga recoveries doon sa Subic recently. So yun ang tingin ng mga imbestigador natin, 4 na layers yan babakbakin mo muna bago makita ang tea bag,” ayon kay Brig. Gen. Edwin Quilates, Director, PNP-DEG.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ginagamit umano ng Chinese national ang isang maliit na negosyo sa Bulacan bilang harapan at bodega ng droga, kung saan nakuha ang mga kontrabando.
Agad namang isinailalim sa laboratory examination ng PNP Forensic Group ang mga nakuhang ebidensya.
Inaalam na rin ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang mga suspek sa mga naunang insidente ng shabu na natagpuang palutang-lutang sa mga karagatan ng bansa — lalo’t basa ang ilan sa mga pakete ng ebidensya, indikasyong posibleng bahagi ito ng mas malaking drug network