SISIKAPIN ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maibaba sa ₱85 kada kilo ang presyo ng refined sugar sa merkado.
Ito’y sa gitna ng inaasahang pagdating ng imported na suplay nito.
Nagbigay ng ilang detalye ang SRA kaugnay ng inaprubahang importasyon ng nasa 440,000 metric tons ng asukal at ang epekto nito sa merkado.
Positibo ang SRA na bababa ang suggested retail price (SRP) ng asukal kapag dumating na ang importéd na suplay nito.
Ayon kay SRA Board Member-Planters Representative Pablo Luis Azcona sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkules na sisikapin nilang maibaba sa ₱85 bawat kilo ang refined sugar.
“We are trying po to make sure na iyong retail price po natin is bababa to 85% without hurting naman po the farmers” saad ni Pablo Luis Azcona, Board Member-Planters Representative, SRA.
Sa kasalukuyan, mayroong inaprubahang pag-aangkat ng nasa 440,000 metric tons ng asukal.
Sa aprubadong sugar order, nakapaloob dito ang importasyon para sa 200,000 na alokasyon para sa mga konsyumer at iba pang 240,000 metric tons na pang buffer stock.
Ani Azcona, refined sugar ang lahat na aangkatin na 440,000 metric tons sabay sinabing hindi mag-aangkat ang pamahalaan ng raw sugar.
Paliwanag ni Azcona, ang local production ngayon ay lahat raw sugar kaya sobrang dami pa ng suplay nito sa merkado.
Sa tanong naman kung kailan inaasahang darating sa bansa ang aangkating asukal, ang sagot ni Azcona.
“Mayroon tayong allocation, sir, for immediate arrival. Iyong plano kasi po, sir, ng Department of Agriculture is iyon ‘yung ti-temper ng mataas na retail price po,” dagdag ni Azcona.
SRA, tiniyak na may transparency at accountability ang gagawing sugar importation
Samantala, tiniyak naman ng SRA na magiging patas, may transparency at accountability ang gagawing sugar importation.
Sinabi ni Azcona na mayroon naman silang mga panuntunan para matukoy ang importers na aniya’y ‘in good standing.’
Mayroon din aniya silang performance bond upang masigurado na isasakatuparan ng importers ang kanilang mga pangako.
Panukalang magtatag ng anti-agricultural smuggling court, suportado ng SRA
Sa kabilang dako, nagpahayag ng suporta ang SRA official sa panukalang isinusulong sa Senado na magtatag ng Anti-Agricultural Smuggling Court.
Layon ng naturang panukala na mapapanagot ang mga sangkot sa smuggling at nagmamanipula sa presyo ng agricultural products.
Tugon pa rito ni Azcona, bagamat hindi nila napag-uusapan sa SRA ang naturang usapin, ay magandang hakbang aniya ito at talagang malaking tulong para sa mga magsasaka.
“But personally, sir, as a farmer ay laking tuwa po [ang dala] niyan sa amin, kasi kapag nag-i-import, sir, ng agricultural products, iyong malaking tama po is sa farmer talaga. So iyong mga farmers po natin, 90% ng farmers natin ay maliliit – one to two hectares – so sila talaga, sir, iyong nasasaktan doon sa mga smuggling po. So, it’s a very good move,” aniya.
Sa huli, muling binigyang-diin ng SRA sa mga mamamayang Pilipino, na talagang layon ng pag-aangkat ng asukal ngayon na makatulong mapababa ang consumer price nito.
Bukod sa layon na mapababa ang presyo ng refined sugar, ay tinitiyak din ng SRA na makukuha ng fair price ang mga magsasaka upang maipagpapatuloy nila ang pagtatanim.
Inaasahan din ng pamahalaan na mapalalawak pa ang sakahan ng local farmers para magiging self-sufficient ang bansa sa produktong asukal.