1.2K healthcare workers sa San Juan City, tatanggap ng booster shots

1.2K healthcare workers sa San Juan City, tatanggap ng booster shots

NAKAHANDA na ang San Juan LGU upang mamahagi ng booster shots sa mga nabibilang sa A1 priority group o mga healthcare workers.

Matapos payagan ang mga fully vaccinated health workers na mabakunahan ng booster shots sa Pilipinas, aarangkada na sa San Juan City ang pagtuturok nito sa mga nabibilang sa A1 priority group.

Nasa 1200 healthcare workers sa lungsod ang kwalipikadong tumanggap ng booster doses.

Susundin pa rin ng LGU ang mga hakbang sa existing na vaccination program kung saan ang mga frontliners ay makatatanggap ng kanilang vaccine schedule sa pamamagitan ng isang text message.

Bawal naman sa nasabing vaccination ang walk-ins.

Sa inilabas na pahayag ng Department of Health (DOH), inirekomenda nito ang Moderna, Pfizer, at Sinovac bilang booster shots anuman ang brand na tinanggap sa una at ikalawang doses.

Iniaalok din ng DOH ang Sinovac para naman sa mga fully vaccinated health workers na nakatanggap ng Sinovac.

Matatandaang una nang inihayag ng gobyerno na tanging ang healthcare workers, immunocompromised, at matatanda ang unang makakakuha ng booster shots sa bansa dahil sila ang nasa risk ng hawaan.

Tiniyak naman ng Department of Health na sasapat ang suplay ng mga bakuna sa bansa para sa pagbibigay ng booster shot.

Aabot sa P45 billion ang inilaan ng DOH bilang budget sa COVID-19 boosters doses.

Sa kasulukuyan, 92.31% ng target population sa Metro Manila ay fully vaccinated na o katumbas ng higit 9 million na mga Pilipino.

Sa buong bansa naman, nasa  31.8 milyong indibidwal na o 41.31% ng target population ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

SMNI NEWS