HUSTISYA ang sigaw ngayon ng mga indigenous people (IPs) sa Barangay Balabag, Kidapawan, North Cotabato dahil sa malagim na sinapit ng kanilang pananim na saging matapos nilang maabutan na pinagpuputol na ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ayon sa kanilang pinuno na si Eduardo Empan, na kumakatawan sa Manobo Apao Descendants Ancestral Domain of Mt. Apo (MADADMA), aabot sa 1, 300 na puno ang winasak at pinagpuputol.
Wala naman aniya silang ideya kung sino ang may kagagawan nito, gayong tahimik naman silang namumuhay sa kanilang lugar.
Agad naman na nagpaabot ng tulong ang Energy Development Corp kung saan nanggagaling ang pinagkukunan nito ng share sa plantasyon.
Nakahanda itong magbigay ng P100, 000 sa makapagtuturo sa mga nasa likod ng insidente.
Sa taya ng grupo, nasa kalahating milyon piso ang kabuuang halaga ng nasirang plantasyon kasabay ng panghihinayang sa sinapit ng kanilang pinagkakakitaan.
Sa inisyal na impormasyon na nakuha nila mula sa kanilang mga miyembro, nasa limang katao ang gumawa ng pag-atake at naniniwala sila na hindi ito magagawa ng mga suspek kung walang utos mula sa mas mataas pa sa kanila.
Marami ang naniniwala na posibleng may kinalaman dito ang grupo ng CPP-NPA-NDF na nais manggulo sa tahimik na pamumuhay ng mga katutubo.
Agad nang nakipag-ugnayan ang grupo ng mga taga-Barangay Balabag sa mga otoridad para sa mabilisang pagdakip sa mga suspek.
Pinaniniwalaang isa ang North Cotabato sa mga hotbed ng teroristang komunistang grupo na CPP-NPA-NDF.
Nito lamang buwan ng Mayo taong kasalukuyan, nasa 50 na mga rebeldeng miyembro ng CPP-NPA-NDF ng North Cotabato ang nagsipagbalik-loob sa pamahalaan.
Ayon sa provincial government nito, bukod sa mga nagsipagbalik sa lipunan, hinimok din nito ang iba pang miyembro ng leftist groups na tumugon sa panawagan ng pamahalaan na suportahan ang adhikain na magkaroon ng maayos na pamumuhay ang mga rebelde kasama ng malinis na komunidad sa kabayanan.
Patuloy ngayon ang panawagan ng mga miyembro ng Manobo Apao Descendants Ancestral Domain of Mt. Apo o MADADMA sa pamahalaan para sa ikadadakip ng mga taong pumutol sa kanilang mga pananim na siyang pinagmumulan ng kanilang hanapbuhay at pagkakakitaan.