1.5-M dosis ng Sinovac vaccine, darating sa bansa bago matapos ang Abril

INAASAHAN sa susunod na linggo, April 22 at April 29 darating ang 1.5 milyong dosis ng Sinovac vaccine na bahagi sa 25 milyong dosis ng bakuna na binili ng Pilipinas galing China.

Ito ang naging pahayag ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr.

Dagdag pa ng opisyal na sa buwan ng Mayo ang pagdating ng karagdagang 2 milyong dosis ng bakuna mula pa rin sa bansang Tsina.

Matatandaang bumili ang pamahalaang nasyonal ng 25 milyong dosis ng Sinovac vaccine kung saan ang 1 milyong doses na unang batch ay natanggap ng bansa noong Marso 29, 2021.

Pero bago pa dumating ang first batch ng bakunang binili ng bansa ay nakatanggap na ang Pilipinas ng isang milyong dosis ng Sinovac vaccines na donasyon ng Chinese government, at 525,600 dosis ng AstraZeneca mula sa global aid initiative COVAX Facility.

Kahapon naman ng hapon, dumating ang ikalawang batch ng bakuna na binili ng Pilipinas sa China.

Ang kalahating milyong dosis ng bakuna mula Chinese biopharmaceutical company na Sinovac biotech ay lumapag sa NAIA Terminal -2 na lulan Philippine Airlines Flight PR 359.

Ang mga naturang mga bakuna ay dinala na sa Metropac Cold Storage Facility ng Marikina City.

Ayon pa kay Galvez, karamihan sa mga bakunang dumating kahapon ay ipapadala sa Visayas at Mindanao.

Ipinagmamalaki din ni Galvez na ang mga bulto bulto pang bakuna na mula sa iba’t ibang pharmaceutical companies ay darating ngayong buwan ng Agosto.

Ayon pa sa opisyal, naging matagumpay naman ang negosasyon nito sa pito pang pharmaceutical companies.

(BASAHIN: FDA, aprubado na ang paggamit ng Sinovac para sa mga senior citizen)

SMNI NEWS