1.7-M national ID card, naipamahagi na ng Philippine Statistics Authority

1.7-M national ID card, naipamahagi na ng Philippine Statistics Authority

NAI-deliver na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang nasa 1.7 million national identification (ID) card sa buong bansa.

Sinabi ni PSA Assistant Secretary Rose Bautista na ang pag-isyu ng Philippine Identification System (PhilSys) Number o PSN at delivery ng Philippine ID (PhilID) ang ikatlo at huling hakbang sa PhilSys registration.

Pinaalalahanan naman ni Bautista ang mga nakakuha na ng kanilang Phil IDs na iwasang magpost ng larawan nito sa social media.

Dagdag pa ng PSA official, ang ID na ito ay isang bagay na dapat itinatago at hindi ini-expose sa fraud.

Samantala, nasa 30 milyong mga Pilipino naman ang nakakumpleto na ng ikalawang step ng biometrics registration para sa national ID sa bansa.

Sa Step 1 naman, nakapagrehistro na ng 42 million na mga Pilipino sa lahat ng probinsya kasama ang Metro Manila.

Kaugnay nito, tiniyak ng PSA na mahigpit na ipinapatupad ang quarantine restrictions upang hindi kumalat ang coronavirus disease (COVID -19).

Aminado naman ang PSA na malaking hamon sa registration process ang kinakaharap na pandemya.

Gayunman, tinarget pa rin ng PSA na sa step one, makapagrerehistro ang ahensya ng 70 million ngayong taon.

BASAHIN: 70-M indibidwal, target na mairehistro para sa national ID ngayong taon

Samantalang sa step two o iyong naka-kumpleto na ng collection ng biometric information, ang minimum na dapat o target ng ahensya ay 50 million sa katapusan ng Disyembre ngayong 2021.

Layon ng national ID na mapadali ang pag-access ng publiko sa financial services and inclusion, social protection, health, education, at iba pang government services.

Bukod dito, gamit ang PhilSys, mas magiging ligtas at mas matiwasay din ang pampubliko at pribadong transaksyon lalo’t tutungo na ang bansa sa isang digital economy.

SMNI NEWS