1-M doses ng Sinovac vaccine, dumating sa bansa ngayong umaga

1-M doses ng Sinovac vaccine, dumating sa bansa ngayong umaga

DUMATING na sa bansa ang karagdagang 1-M doses ng Sinovac vaccine na binili ng gobyerno.

Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Authority (NAIA) Terminal 3, kanina 8:44am ang Cebu Pacific’s Flight 56723 lulan ang panibagong batch ng Sinovac vaccine mula Beijing, China.

Noong Huwebes, 1.5M doses din ng Sinovac vaccine ang naihatid sa bansa.

Batay sa mga opisyal ng gobyerno, mapupunta ang pinakabagong batch ng Sinovac doses sa NCR Plus at iba pang lugar na nakakaranas ng pagtaas ng COVID-19 cases.

Mahigit 30-M, COVID-19 vaccine doses na ang natanggap ng Pilipinas mula sa iba’t ibang manufacturers.

Target ng pamahalaan na hindi bababa sa 58 milyong mga indibidwal ang mabakunahan ngayong taon upang makamit ang kaligtasan sa sakit laban sa coronavirus.

Fully vaccinated kontra COVID-19 sa Navotas City, pumalo na sa mahigit 56,000

Samantala, pumalo na sa 160,415 doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa lungsod ng Navotas, batay ito sa Navobakuna update kahapon ng gabi 8:00pm.

Sa nasabing bilang, kabuuang 103,844 doses ang itinurok na bilang first dose habang 56,571 na ang fully vaccinated matapos matanggap ang kanilang second dose.

Sa bilang ng mga fully vaccinated, 1,259 medical frontliners, 10,903 senior citizens, 28,384 persons with comorbidities, 14,208 economic frontliners at 1,817 ay kabilang sa indigent population.

Target ng Navotas City government na kabuuang 150,000 ang mabakunahan sa lungsod.

SMNI NEWS