1-M katao, prayoridad na bigyan ng COVID-19 vaccine sa Quezon City

DINALAW ng mga taga Inter-Agency Task Force ang Quezon City ngayong araw para malaman ang vaccination plan ng siyudad para sa COVID-19 vaccine program nito.

Agad naman  na inilatag ni Vaccine Czar Carlito Galvez  kung ano ang mga dapat na laman ng plano na isa-isa namang sinagot ng lokal na pamahalaan.

Mahigit sa isang milyong katao ang unang mabibigyan ng bakuna sa 2.9 milyon kataong naninirahan sa nasabing lungsod.

Kasama sa priyoridad ang 1, 046, 027 na kinabilangan ng:

3, 292 na public health workers

1, 410 Barangay Health Emergency Response Teams

18, 325 private health care workers

300,000 senior citizens

703, 000 na indigent persons- kung saan hindi kasama dito ang mga batang may edad 15- taong gulang pababa.

20,000 na uniformed personnel- kabilang ang mga traffic enforcer, security guard, mga sundalo’t pulis, social workers at iba pang mga unipormadong mangagawa sa siyudad.

20,000 na adult persons with disabilities o PWDs na may edad 16 na taong gulang pataas

Pinalalatag din ni Health Secretary Francisco Duque III sa Quezon City kung paano nito mapapanatiling epektibo ang mga bakuna lalo pa at nariyan ang temperature requirement ng mga ito.

Ayon kay Duque, maiksi lang ang shelf life ng mga bakuna kaya dapat mabilis ang vaccination.

Nakipag-ugnayan na QC LGU sa isang malaking pharma company upang pangasiwaan ang mga bakunang makukuha ng siyudad.

Pinaplantsa na rin ngayon ng QC government ang mga gagamiting coolers na dadalhin sa mga vaccination site oras na magsimula na ang pagbabakuna.

Mayroon nang 24 na vaccination sites na tinukoy ang lokal na pamahalaan na pinakakalat sa lahat ng anim na distrito sa QC.

Kabilang sa vaccination sites ang mga school campus, tennis courts at activity center.

Malaking hamon naman ng gobyerno ang kakulangan ng mga health worker na ilalagay sa vaccination sites dahil sa kasalukuyan ay nasa 315 pa lamang ang standby health workers ng siyudad.

Ayon naman kay Mayor Joy Belmonte, ipapagamit din ng religious sector at academic institutions ang kanilang mga pasilidad para maging vaccination centers.

Pa-iigtingin naman ngayon ng QC Government ang information drive sa social media gaya nang pagsasagawa webinars para mas lalo’ng maintindihan ng publiko ang kahalagahan ng pagpapabakuna.

Magpapakalat din sila ng flyers at posters at makikipag-ugnayan sa bawat barangay.

SMNI NEWS