ARESTADO ang isang miyembro ng Philippine Air Force matapos na makorner ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa harap ng Dowinn Casino, Brgy. 76, Zone 10, Pasay City.
Araw ng Huwebes, Pebrero 13, nang ikasa ang operasyon katuwang ang 3rd Special Operations Unit (SOU) ng PNP Maritime Group, Baclaran Sub-Station Five at TMRU Pasay.
Kinilala ang suspek na si alias Gabo, 39 taong gulang kung saan ang modus ay nag-alok ito ng isang sniper rifle na nagkakahalaga ng P1.2M sa isang undercover na pulis (poseur-buyer).
Agad na tumakas ang militar-suspek nang mapansin ang presensiya ng mga awtoridad pero naaresto rin kalaunan kasunod ng mga inspeksiyon na ginawa ng mga awtoridad.
Tumambad sa sasakyan ni alias Gabo ang isang Navy Blue Toyota Fortuner, na naglalaman ng isang Glock 17 na baril na may 14 na bala at isang AFP (Armed Forces of the Philippines) identification card.
Wala rin itong naipakitang Certificate of Authority mula sa COMELEC, na kinakailangan upang legal na magdala ng baril sa panahon ng halalan.
Ang mga narekober na ebidensiya ay maingat na idinokumento at dinala sa Forensic Unit para sa ballistic examination at verification ng armas at identification card.
Samantala, ang suspek ay nasa kustodiya ng 3rd SOU Headquarters sa Brgy. Don Galo, Parañaque City, habang inihahanda ang mga kaukulang kasong paglabag sa Omnibus Election Code at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591).
Follow SMNI News on Rumble