ILANG grupo, kabilang ang ilang mga mambabatas, ang humiling sa Social Security System (SSS) na suspindihin ang nakaplanong pagtaas ng kontribusyon nito.
Pinupuna ng mga ito ang tiyempo ng nasabing contribution hike lalo’t kaliwa’t kanan ang pagtaas din ng presyo ng mga bilihin.
Kasama rin ang dating President at Chief Executive Officer ng SSS na si Rolando Ledesma Macasaet sa mga nananawagan sa pansamantalang pagsuspinde sa contribution hike sa SSS.
Simula kasi ngayong Enero, ipatutupad ng SSS ang 1% rate increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito.
Itataas nito ang contribution rate sa 15% mula sa kasalukuyang 14%.
Sa press briefing naman sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni SSS President and CEO Robert Joseph de Claro na sumusunod lang sila sa batas.
Aniya, ang pagtaas ng kontribusyon ay alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Nakasaad sa naturang batas na magkakaroon ng 1% na pagtaas sa kontribusyon kada dalawang taon—simula 12% noong 2019 hanggang umabot ito ng 15% sa 2025.
“Please understand that we are a GOCC and we are tasked to implement the law that covers our institution. So, kung mayroon pong—kasi po batas ito, so ibig sabihin kailangan pong ma-amend ang batas para ma-suspend itong contribution na ito,” wika ni Robert Joseph de Claro, President & CEO, SSS.
Dagdag ni De Claro, mahalaga ang increase na ito para palawigin ang serbisyo ng SSS sa mga miyembro nito at suportahan ang pamahalaan sa panahon ng kalamidad sa pamamagitan ng calamity loans.
Ang pamunuan naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), bagama’t ‘neutral’ sa usaping ito, aminadong higit na apektado ang mga maliliit na employer sa hakbang na ito.
“Well unlike PhilHealth na hindi naman nagde-deliver, eh we are neutral about that. Of course, anything na magtataas, naaapektuhan lalo na ang mga maliliit na employer,” saad ni Sergio Ortiz-Luis, Jr., President, Employers Confederation of the Philippines.
Dagdag ni Ortiz-Luis, mas maigi pa rin na hindi magkaroon ng rate hike. Pero wala aniya silang magagawa dahil nasa batas ito.
“So much the better kung hindi magtataas but if magtataas, we will comply,” ani Luis.
Sa halip na suspindihin ang pagtaas, hinimok ng SSS president ang mga mambabatas na i-subsidize ang pagtaas para sa benepisyo ng mga miyembro ng SSS.
“I think the challenge there is, mayroon ho kaming contribution subsidy program. Baka ho ang ating mga kapatid na mga mambabatas na nag-o-oppose—na nagri-request na i-delay ito, hindi ba pupuwedeng i-subsidize nila para sa kanilang mga miyembro itong dagdag na 190 pesos na dagdag in contribution,” ayon pa kay De Claro.
Samantala, tiniyak ng SSS na pinakahuli na itong 15% pagtaas sa mandatoryong kontribusyon sa SSS.