NASAWI ang isang lalaki habang isa naman ang naaresto matapos ang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo ng Marine Battalion Landing Team-5 (MBLT-5) at dalawang riding-in-tandem suspects sa Brgy. Poblacion 4, Cotabato City.
Ayon sa ulat, dakong alas-8 ng gabi noong Biyernes, nakatanggap ng impormasyon ang motorcycle team ng MBLT-5 tungkol sa isang insidente ng pamamaril sa Dona Blanca Street, 100 metro lamang mula sa kanilang lokasyon.
Agad silang rumesponde at namataan ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo. Nang parahin ng mga sundalo, agad bumunot ng baril ang angkas at nagpaputok, dahilan upang gumanti ng putok ang tropa ng militar.
Nasawi sa insidente ang suspek na si Homidie Salipudin, residente ng Ampatuan, Maguindanao del Sur. Nahuli naman ang driver ng motorsiklo matapos subukang tumakas.
Sugatan din sa insidente sina Abdulhaq Umal at Niño Galimba, parehong miyembro ng Barangay Peace Action Team (BPAT) at residente ng nasabing barangay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang posibleng motibo at pagkakakilanlan ng isa pang suspek.