PATAY ang isa katao habang dinala sa pagamutan ang 76 na iba pa dahil sa naganap na ammonia leak sa isang cold storage ficility sa Navotas City.
Nangyari ang insidente sa T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage sa R-10 North Bay Boulevard South dahilan upang magsilikas ang mga residente sa lugar.
Ayon kay DOH Health Emergency Management Bureau director Gloria Balboa, 53 indibidwal ang nakaranas ng pagsusuka, pagkahilo, at hirap sa paghinga ang dinala sa Navotas City Hospital habang 23 iba pa ay dinala naman sa Tondo Medical Center.
Kinilala ang nasawi na si Gilbert Tiangco, 44-taong gulang, isang sekyu sa nasabing ice plant.
Kasalukuyang pinagbawalan ng mga otoridad ang mga residente na bumalik sa kani-kanilang pamamahay matapos iutos ang pagsara sa nasabing lugar.
Samantala, hindi pa matukoy ng Bureau of Fire Protection ang dahilan ng leak ngunit kasalukuyan pang iniimbestigahan ang nasabing insidente.
Pasado alas siyete ngayong gabi ay humupa na ang amoy ng ammonia ngunit aabot pa umano sa dalawa hanggang tatlong oras bago tuluyang mawala ang amoy sa loob ng pasilidad.