PASAKIT pa rin sa sambayanan ang walang humpay na pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado tulad ng bigas, karne, at iba pa.
Ito rin ang dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nagkukumahog sa paghahanap ng murang alternatibo.
Batay nga sa resulta ng survey ng OCTA Research nitong Marso, lumalabas na 66% ng mga Pilipino ang nagsasabing dapat tutukan ng gobyerno ang dahilan ng mas mataas na presyo ng bilihin sa bansa.
Bagay namang sinang-ayunan ng isang ekonomista. Dahil dito, iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) sa National Price Coordinating Council (NPCC) na magkaroon ng 10-day buffer stock ng iba’t ibang agricultural commodities.
Ito raw ay nag-ugat dahil na rin sa kakulangan ng produktong agrikultural na nakaapekto sa presyuhan sa merkado.
Sa ilalim kasi ng Section 9 ng Price Act o ang Republic Act No. 7581, may kapangyarihan ang DA na mag-angkat at mamimili ng lokal o imported na produkto sa oras ng pangangailangan.
Pero, paglilinaw ni DA Asec. Arnel de Mesa, maaari aniyang gamitin ang mga cold storage na itinayo ng ahensiya para paglagyan ng mga iba’t ibang produkto o kalakal tulad ng bigas, mais, karneng baboy, sibuyas, asukal, at fertilizer.
Dagdag ni De Mesa, hindi pa masabi sa ngayon kung kailan matatapos ang IRR patungkol dito.
Bagamat maganda ang hangarin ng DA, pero sabi ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) dapat lang na matiyak na magiging maayos ang implementasyon nito.
“What is the capacity of the government to do that with the money involved and how will the downside be implemented? Well, the lessons of NFA on rice, we learned the lesson on Kadiwa during the onions, lahat sila nahabla. So, ‘yung proseso lang on government procedures should be parang i-rationalize para mas madali ang implementation at para hindi apektado ang empleyado ng DA,” ayon kay Danilo Fausto, President, PCAFI.
Ang Federation of Free Farmers (FFF) naman ay nababahala na baka mabulok lamang ang mga ito at hindi na mapakinabangan pa.
“It takes a lot of preparation kasi okay lang ‘yung sa palay kasi nandiyan ‘yung NFA no pero for other commodities saan mo ilalagay ‘yung buffer stock? Sino ang magha-handle niyan para hindi masira? And then, what is the manner of disposal, kunwari walang emergency situation para ilabas mo ‘yang buffer stock. How do you dispose it and replenish it? Mabusisi rin ‘yan and baka mabulukan ‘yung Department of Agriculture (DA),” ayon naman kay Raul Montemayor, National Chairman, FFF.