BOLUNTARYONG sumuko ang sampung miyembro ng isang private armed group (PAG) na nagsilbing security escorts ng isang pinaslang na mayor na kabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Cotabato City.
Kabilang sa mga sumuko sina Andih Anso Bansil alias “Tali”, Johari Anso Villanueva alias “Wari”, Johair Anso Villanueva alias “Ting”, Samsodin Anso Villanueva alias “Unggal”, Arnold Anso Mohammad alias “Nods”, Abobakar Anso Villanueva alias “Bakar”, Abraham Udti alias “Mego”, Monib Anso Mohammad alias “Nibds”, at Gani Anso Esmael alias “Gans”.
Isinuko ng mga ito ang iba’t ibang uri ng armas kabilang ang .50-caliber Barrett sniper rifle kay Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro, acting director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) national office sa ginawang surrender rites sa CIDG office kahapon, Marso 25.
Ayon kay Maj. Esmael Madin, CIDG Maguindanao team head, isinuko rin Anso ang tatlong live rifle-propelled grenades at dalawang 40-mm grenade projectiles.
Inamin ni Anso na kinumbinsi ni Madin, Col. Tom Tuzon, at Lt. Col. Cyrus Belarmina, CIDG-Zamboanga del Sur director, ang kanyang grupo na sumuko at mamuhay muli ng normal.
Pinuri naman ni Ferro ang lokal na pulisya at mga opisyal ng Parang, Maguindanao kung saan dating naninirahan ang nasabing mga armadong kalalakihan.
“They have no criminal cases and their surrender was a good gesture they have no intent to commit crimes,” ayon kay Ferro.
Sinabi ni Ferro, ang sampung armadong kalalakihan ay nagtago noon sa Zamboanga del Sur matapos ang umano’y pagkapaslang ng kanilang “boss”.
Itinanggi naman ni Ferro na banggitin ang dating mayor na nasawi sa anti-drug operations sa Cotabato City noong 2017.
(BASAHIN: 6 miyembro ng pribadong armadong grupo, sumuko sa mga pulis sa Maguindanao)