DADALO ang lahat ng sampung presidential candidates sa kauna-unahang presidential debate ng COMELEC na gaganapin sa Marso 19 mula alas 7 ng gabi hanggang alas 9:30 ng gabi.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, kinumpirma ng kampo ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang pagdalo nito sa debate.
Matatandaang, tumanggi si Bongbong Marcos na dumalo sa isang forum na inorganisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at ang debate na iho-host ng CNN Philippines sa Pebrero 27.
Huling dumalo si BBM sa SMNI presidential debate.
Nilinaw naman ni Jimenez na walang ibibigay na advanced questions sa mga kandidato at hindi rin sila papayagan na magdala ng anumang bagay sa podium.
Sinabi ng tagapagsalita ng COMELEC na magkakaroon sila ng tatlong presidential debates.
Nakita di umano ng COMELEC na interesado ang mga kababayan natin kung saan magkakaharap ang mga kandidato.
“We will make sure that we give them an opportunity to see that in a Comelec-sanctioned event para lahat dumalo,” wika ni Jimenez.
Samantala, inanunsyo rin ni Jimenez na nangako ang lahat ng vice presidential candidates na dadalo rin sa debate ng COMELEC maliban kay Representative Lito Atienza dahil sa medical reasons.