10 year BFP Modernization Program, tiniyak ng DILG na patuloy na isusulong

10 year BFP Modernization Program, tiniyak ng DILG na patuloy na isusulong

TINIYAK na isusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 10 year modernization program ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Bagama’t maraming hamon na pinagdaraanan ang BFP partikular na noong kasagsagan ng pandemya, patuloy na pagsisikapang maipatupad ng DILG ang mga magagandang programa nito para sa modernization ng BFP.

Sa kasalukuyan, inihayag ni DILG Secretary Benhur Abalos na inaalam na nito  ang lakas at pangangailangan ng BFP sa buong Pilipinas lalo na sa kanilang mandato sa pagresponde sa panahon ng pangangailangan tulad ng sunog at iba pang uri ng sakuna.

Giit ni Abalos may 3 mahahalagang bagay ang dapat na isaalang-alang ng BFP para mabilis na maikatuparan ang kanilang trabaho.

Kabilang na dito ang strategy, team work at unity, hindi lamang sa mga personnel pati na rin sa private partners at local government units.

Sa datos na inilabas  as of June 2022, mayroong nasa mahigit 1,200 fire trucks ang BFP.

Nasa 212 firetrucks naman ang kailangan pa ng BFP.

Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 1,200 na fire station ang BFP sa buong bansa habang may mahigit 200 bayan pa silang walang fire station.

Dagdag pa ni Abalos sa usapin naman hinggil sa 2023 budget, inaasahan na bababa nang konti dahil sa mga pinagdadaanang hamon ng pandemya ang bansa.

Sa ngayon kasi pinagtutuunan pa rin ng gobyerno ng Pilipinas ang ekonomiya at ang iba pang mahahalagang bagay.

Matatandaan noong Setyembre 2021, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) 11589 na magpapalakas at gawing makabago ang BFP.

Samantala, ang pahayag ng kalihim ay kasabay ng kanyang unang pagbisita sa national headquarters ng BFP sa lungsod ng Quezon.

Sa kanyang pagdating ay tumanggap ito ng welcome ceremony mula sa mga opisyal at personnel ng BFP.

Dito isinagawa ang pagpupulong kaugnay sa mga plano at modernization program .

Ayon din kay Atienza, ang 10 year modernization program ay magsisimula sa susunod na taon o 2023-2033.

Kasama rin sa modernization plan ng BFP ang pag-acquire ng helicopter para sa distribution ng relief goods.

Follow SMNI News on Twitter