100% face-to-face classes, suportado ng isang infectious disease expert

100% face-to-face classes, suportado ng isang infectious disease expert

SUPORTADO ng isang infectious disease expert ang 100 percent face-to-face classes na inaasahang magsisimula sa Agosto 22.

Tinarget ng Department of Education (DepEd) ang full implementation ng in person classes pagsapit ng Nobyembre.

Ayon kay infectious disease expert Dr. Edsel Salvaña, mas manageable na ang COVID situation ngayon at marami na rin ang nabakunahan at patuloy pang babakunahan kontra COVID- 19.

 “So, within the parameters that we’ve set, I think that the risk naman is much less compared to at the start of the pandemic. And as long as mataas ang antas ng pagbabakuna, patuloy iyong paggamit ng mask at minimum public health standard sa ating mga eskuwelahan, mukhang kakayanin naman at this point,” pahayag ni Salvaña.

Bukod dito, nasa Alert Level 1 status naman din ang maraming parte ng bansa.

 “Sa ngayon naman ay nananatili tayong Alert Level 1. Hindi naman ito bago eh; sinabi naman natin, kung Alert Level 1, 100% puwede naman talaga,” ani Salvaña.

Kasabay nito, naniniwala rin ang eksperto na hindi kailangang itaas ang estado ng alert level sa bansa sa kabila ng naitatala pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) at iba pang mga lugar sa bansa hanggang Agosto 15.

Sinabi ni Dr. Salvaña na may pinagbabatayang COVID-19 metrics na magsasabi kung kailan magtataas ng alert level.

 “Unang-una, kapag umabot sa more than 50% iyong ating healthcare utilization. At kahit umabot sa 50%, kailangan din nating tingnan iyong ADAR, iyong average daily attack rate, and this has to be more than 18. And sa ngayon naman, okay pa naman iyong ating healthcare utilization. The ADAR is still below 18. So those are the parameters,” ani Salvaña.

Ipinaliwanag pa ng eksperto na malaking impact dito sa healthcare utilization ang pagiging bakunado at may booster pa at ang pagiging maingat na ng mga tao mula sa coronavirus.

Tulad ni Dr. Salvaña, hindi rin inirerekomenda ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na magtaas ng alert level.

 “Well, firstly, hindi naman natin nire-recommend na magtataas ng alert level, kasi mababa naman iyong hospital utilization. So, kinakayanan pa naman natin. Ito nga iyong dahilan kung bakit tayo nag-embark on a vaccination and booster drive, para hindi tumaas iyong hospital utilization natin at para manatiling bukas iyong ating ekonomiya at iyong ating businesses,” ayon kay David.

 

Follow SMNI News on Twitter