100% ng target population sa NCR, fully vaccinated na vs COVID-19

IBINAHAGI ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na 100% nang fully vaccinated laban sa COVID-19 ang target population sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay MMDA Chairperson Benhur Abalos Jr., 100% ng target population ng National Capital Region (NCR) ang nakatanggap na ng second dose o fully vaccinated na kontra sa virus.

Ipinagmalaki naman ni Abalos na nakontrol na ang pagkalat ng Delta variant sa Pilipinas dahil sa pinaigting na bakunahan.

Nauna nang sinabi ni Abalos na aabot sa 9.8 milyon ang eligible population sa NCR.

Samantala, puspusan na rin ang paghahanda ng pamahalaan para sa ikalawang round ng National Vaccination Drive na magsisimula sa Disyembre 15 hanggang 17.

BASAHIN: Duterte, umaasang maging matagumpay muli ang susunod na ‘Bayanihan, Bakunahan’ sa buong bansa

Sa muling ikakasang Bayanihan Bakunahan, kumpiyansa si Health Secretary Francisco Duque III na maaabot nila na ang 54 milyong indibidwal na ma-fully vaccinate bago matapos ang taon.

Dagdag ni Duque na target ng gobyerno na mabigyan ng first at second doses ng COVID-19 vaccine ang 77 milyong Pilipino sa unang kwarter ng 2022 at ang 90 percent ng populasyon ng Pilipinas o 99 milyong Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan, nasa 39.7 milyong Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 56.64 milyon ang naiturok ng first dose.

Naniniwala ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na dahil sa pagsusumikap ng pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng eligible population kung kaya’t patuloy na gumaganda ang datos o bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

SMNI NEWS