100 years, masyadong matagal na paghihintay sa benepisyo ng centenarian—Sen. Imee   

100 years, masyadong matagal na paghihintay sa benepisyo ng centenarian—Sen. Imee  

SUPORTADO ni Senator Imee Marcos ang maagang pagbibigay ng gobyerno ng cash gift na PHP100,000 para sa mga Pinoy centenarian bago pa man sila umabot ng 100 years old.

Si Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ang nag-sponsor ng pinagsama-samang panukalang pag-amyenda sa ‘Centenarians Act of 2016,’ na may kontribusyon galing sa kapwa niyang mga senator na sina Ramon Revilla, Jr. Christopher Go, Risa Hontiveros, Aquilino Pimentel III at Sherwin Gatchalian.

Sa kaniyang sponsorship speech noong Miyerkules, sinabi ni Marcos na kapag naipasa bilang batas ang pinagsama-samang panukala, makatatanggap ang mga senior citizen ng mga bahagi ng PHP100,000 cash gift kapag sila ay umabot sa 80, 90, at 100 years old.

Upang matiyak na walang maiiwan na senior citizen na 80 taong gulang pataas, itinulak din ni Marcos ang paglikha ng ‘elderly management system’ para sa maayos na pagkalap ng kaugnayang impormasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa tulong na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Commission on Senior Citizens (NCSC), at mga local government units (LGU).

Meron tayong kasabihan: Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Dapat mapakinabangan ng ating mga lolo’t lola ang kanilang nararapat na benepisyo habang sila’y buhay pa,” ani Marcos.

“Sa awa ng Diyos, mabibigyan pa tayong lahat ng mahabang buhay. Sana’y hindi natin maramdaman ang pagka-balewala sa ating pagtanda,” dagdag pa ng senadora.

Ayon sa mga numero ng gobyerno, ang average na haba ng buhay ng mga kalalakihang Pinoy ay nasa 79 years old at 83 years old naman sa mga kababaihan, habang 10% lang ng higit sa 9 milyong senior citizen ang 80-years old pataas.

Binigyang-diin ni Marcos na kailangan nang i-advance ang pamamahagi ng cash gift para sa mga ‘centenarian’ dahil  sa mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin at maintenance na gamot para sa karaniwang sakit ng mga matatanda na gaya ng mga sakit sa puso, diabetes, at kidney failure.

Follow SMNI NEWS in Twitter