10pm curfew, magbubunga ng disiplina sa bansa – PNP

10pm curfew, magbubunga ng disiplina sa bansa – PNP

SUPORTADO ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nakatakdang pagpatutupad ng 10pm curfew hour sa bansa.

Disiplina ang nakikitang magiging bunga sa nakatakdang pagpatutupad ng 10 pm curfew ng bagong pamunuan ng PNP.

Sa panayam ng SMNI News kay QCPD Director PBGen. Remus Medina, makatutulong aniya ito sa pagpapababa ng bilang ng krimen sa bansa.

“Yes, oo. Kasi mas less ang crime tapos may disiplina ‘yung mga tao. Sa opinyon ko maganda ‘yung may ganun mas madali sa pulis ‘yung mga trabaho namin,” pahayag ni Medina.

Sakali man aniya na maipatupad na ito sa lalong madaling panahon, aminado ang PNP na hindi lang ang publiko ang kailangang bantayan dito kundi maging sa kanilang hanay din.

“Of course, kailangan din nating bantayan ang ating mga kapulisan na maipatupad nang maayos kung may batas na tayong ipapatupad. Mayroon din tayong check and balance na gagawin,” aniya pa.

Matatandaang sa pag-upo ng bagong liderato ng PNP sa pangunguna ni Police General Rodolfo Azurin Jr., isa sa mga prayoridad ng PNP ay ang kaayusan kung saan ipagbabawal na rito ang pagtambay at pag-iinom sa kanto partikular na ang 10 PM curfew sa lahat.

Sa kabila nito, bukas naman ang PNP sa mungkahi at posibleng pagtutol ng ilang human rights activists kung mamasamain ng mga ito ang nasabing panukala.

“Siguro naman may karapatan din silang gawin ‘yun. Sa amin sa PNP nagtatrabaho lang kami. Kung anong iniutos sa amin, susundin lang namin,” ani Medina.

Sa kaugnay na ulat, isang panukala rin sa Kamara ang isinusulong ngayon ng isang mambabatas na magbabawal sa lahat ng menor de edad, 18 pababa sa paglabas ng bahay sa dis oras ng gabi.

Sa ilalim ng House Bill 1016 na ipinila ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy , magsisimula ang curfew hours sa 10pm-5am.

“The bill seeks to mandate and strictly implement a set of hours during night time within which minors are prohibited from remaining outside of the home not only as a means of maintaining public order and safety and preventing the further rise in criminality but also in order to protect minors from potential threat that may arise in the remote environment which may be harmful or detrimental to their development,” ayon kay Herrera-Dy.

Isa sa mga nakatakdang parusa sa panukalang ito ay ang 48 hour community service ng mga magulang ng bata o ang multa ng hindi bababa sa P2,000.

Follow SMNI News on Twitter