11 katao, nasawi dahil sa Bagyong Odette; karagdagang 66, patuloy pang kinukumpirma

UMABOT na sa 11 katao ang kumpirmadong nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Patuloy pang kinukumpirma ang nasa karagdagang 66 katao na naiulat na nasawi sa Bagyong Odette.

Dalawa ang nasugatan habang patuloy ring kinukumpirma ang mga ulat na 273 na nasugatan at 39 ang nawawala.

Samantala, umabot sa 3,473 barangay ang naapektuhan ng Bagyong Odette ayon sa ahensiya.

Kabilang dito ang mga barangay sa MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Umabot sa 368,063 pamilya o 1,382,252 indibidwal ang naapektuhan sa naturang bagyo.

Mula sa bilang, 109,601 pamilya ang pansamantalang nanuluyan sa 2,505 evacuation centers na ngayon ay tumatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Itinayang nasa 239 lungsod at munisipalidad ang nakararanas ng power interruption kungsaan 34 mula dito ang naibalik na habang dalawang lokalidad naman ang nakaranas ng water supply disruption.

Nakaranas din ng communication interruption ang 135 na lugar sa MIRAROPA, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at ng BARMM. Mula naman sa bilang 107 ang naibalik na sa ngayon.

Nasa kabuuang 15,618 ang napinsalang mga kabahayan sa MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, CARAGA, at ng BARMM.

Mula sa bilang, 13,144 ang bahagyang nasira at 2,474 ay ganap na nasira.

Tinataya namang nasa PhP323,259,892.06 halaga ng pinsala sa agrikultura sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, Northern Mindanao, Davao Region at CARAGA.

Samantala, nasa PhP227,107,000 ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa mga nasabing rehiyon.

SMNI NEWS