NAKAPAGTALA ng mapanganib o dangerous na lebel ng heat index ang 11 lugar sa bansa noong araw ng Linggo, Abril 7.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang mga lugar na ito ay ang Daet sa Camarines Norte na nakapagtala ng 46 degrees Celsius.
Sinundan ito ng Aparri sa Cagayan, at Cotabato City sa Maguindanao na parehong nakapagtala ng 44 degrees Celsius.
Naitala naman sa San Jose, Occidental Mindoro ang 43 degrees Celsius na heat index.
Habang ang pitong iba pa na nakapagtala naman ng 42 degrees Celsius ay ang Tuguegarao City sa Cagayan; Dagupan City sa Pangasinan; Puerto Princesa City at Aborlan sa Palawan; Pili sa Camarines Sur; Roxas City sa Capiz; at Zamboanga City.
Ipinaliwanag ng PAGASA na ang heat index ay ang damang init na nararamdaman ng tao dahil sa hangin o halumigmig.
Ang mapanganib o nasa dangerous level ng heat index ay mula 42 degrees Celsius hanggang 51.
Ang matagal na pagkalantad sa ganitong lebel ng init ay nagdudulot sa tao ng heat cramps, heat exhaustion at posibleng heatstroke.