PERSONAL na haharap sa piskalya ngayong araw ang 11 respondents na sinasabing sangkot sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera nitong nakaraang Bagong Taon sa isang hotel sa Makati City.
Ayon sa mga legal counsel ng 11 respondents, isasagawa ngayong araw ang sworn statement ng mga respondents at nakatakdang pagsagot sa mga paratang sa kanila ng complainant mula sa Pamilya Dacera.
Ngayong araw din inaasahang isusumite ng kampo ng Pamilya Dacera ang natitirang dokumento o toxicology report kaugnay sa pagkamatay ni Christine Dacera.
Matatandaang, nanindigan ang pamilya ni Christine Dacera na mayroon umanong krimen sa pagkamatay ng dalaga.
Nitong Miyerkules na ilabas ng PNP ang resulta ng ilang laboratory test, kabilang ang medico legal report, na ginawa sa bangkay ni Christine Dacera, ang flight attendant na namatay noong Bagong Taon.
Sa medico legal report base sa naunang autopsy, nakumpirma ng pulisya na ruptured aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera. Anila, “natural cause” at hindi homicide ang nangyari sa dalaga.
Lumabas din sa report na ang underwear ni Dacera ay walang ibang nakuhang DNA bukod sa kaniya.
Kinuwestiyon din ng pamilya ang report ng PNP sa autopsy nito noong January 11 gayong January 8 ay naibiyahe na ang bangkay ni Christine sa General Santos City.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang isinasagawang hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.
Tanghali ng Enero 1 nang matagpuang wala nang buhay si Christine Dacera sa bathtub ng silid kung saan sila nagdiwang Bagong Taon sa City Garden Grand Hotel.
Agad na inaresto ang tatlo sa mga nakasama ni Dacera subalit napalaya rin ito dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.