SUMUKO na ang 12 Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa 40th Infantry Battalion (40IB) sa kanilang headquarters sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Ayon kay Western Mindanao Command (WESTMINCOM) Commander Lieutenant General Alfredo Rosario, Jr., ang sumukong grupo ay pinangunahan ni Anwar Pegas, sub-leader ng BIFF-Karialan faction at kanyang Deputy na si Zukarno Sailila.
Kasama nilang isinuko ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang M14 rifles, dalawang M16A1, isang carbine, dalawang cal. 50 barrett sniper rifles, dalawang 9mm submachine guns, isang 40mm rocket propelled grenade launcher, dalawang m79 grenade launchers, at isang 40mm high explosive RPG ammunition.
Samantala, sinabi naman ni Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy, na kumpiyansa siya na nalalapit na ang katapusan ng BIFF, matapos na sumuko ang kabuuang 97 BIFF members na nag-turn over ng 90 high at low powered firearms sa kanilang area of operation sa unang tatlong buwan ng taon.
Kaugnay nito binati naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino ang mga tropa sa tagumpay sa kampanya kontra sa BIFF at iba pang threat groups, kasabay ng pagsabi na malaking tulong ito sa pagtitiyak ng ligtas, makatotohanan, at malayang eleksyon sa Mayo.