KASADO na sa Lunes ang pagsasama-sama ng nasa 12 milyong miyembro ng pro-revolutionary government mula sa iba’t ibang sektor sa bansa na pumapabor sa pagsusulong ng isang bagong pamahalaan o revolutionary form of government sa bansa.
Ayon sa tapagsalita ng malaking pro-Duterte group na Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee, Abner Malabanan, malaki aniya ang magagawa ng bagong konsepto ng pamamahala para sa mas mabilis na pagtugon sa mga usaping panlipunan partikular na malawak at pantay na distribusyon ng kapangyarihan at pondo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ayon sa grupo, mayroon na silang inihain na limang klase ng konstitusyon na kasalukuyan nang nasa tanggapan ni Pangulong Duterte.
Hinihintay na lamang nito ang tugon ng pangulo upang tuluyan nang maisakatuparan ang pagbabago ng bansa.
Ayon kay Malabanan, sa kasalukuyang estado ng pamahalaan, halos nasa National Capital Region nakalaan ang malaking bahagi ng pondo ng national government habang maliit nalang ang napupunta sa ibang rehiyon ng bansa, bagay na nagdudulot ito ng malawakang problema ng kahirapan.
Pero sa ilalim ng bagong pamahalaan, naniniwala sila na mas madaling maipatutupad ng pangulo ang mungkahing pederalismong gobyerno na ikauunlad umano ng bansa mula sa seguridad, edukasyon, hanapbuhay, at ekonomiya.
Giit pa ni Malabanan, mahigit sa tatlong siglo na rin ang konstitusyon ng bansa at kinakailangan na aniya itong palitan ng mas naayon sa kasalukuyang sistema at pamumuhay ng taumbayan.
Samantala, nangako ang MRRD-NECC na maayos nitong susundin ang health protocols habang umiiral ang community quarantine sa bansa.
Paglilinaw pa ng grupo, mass lining ang mangyayari sa araw ng rally taliwas sa inaasahang mass gathering.
Batay sa kanilang inilatag na plano, bawat sampung tao na nakalinya ay may tig- iisang indibidwal na magbabantay sa maayos na pagsasagawa ng kilos protesta.
Noon pa man ay sinabi na ni Pangulong Duterte na wala siyang alam sa mga aktibidad ng mga grupo na magsisilbing revolutionary government.
Pero sa panig ng mga tagapagsulong nito, hindi anila hadlang ang pagtutol ng pangulo at determinado sila na ilahad sa publiko ang kanilang kagustuhang manatili ang magandang nasimulan ni Pangulong Duterte sa bansa.
Matatandaang nagtatag ng revolutionary government noon si dating Pangulong Corazon Aquino matapos mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos noong 1986.
Sa pamamagitan ng revolutionary government, naitatag din ni Aquino ang pansamantalang charter na pumalit sa 1973 Constitution bago maibalangkas ang 1987 Constitution.
Ilan sa mga inaasahang personalidad na dadalo sa nasabing rally sa Lunes ay sina action star Robin Padilla, Alma Moreno, Matet de Leon at kasalukuyan pa silang nangangalap ng mga live performers at indibidwal na nais makiisa sa nasabing aktibidad.
Samantala, mariing ipinakiusap din ng grupo sa mga otoridad na hulihin, arestuhin at ikulong ang mga miyembro na manggugulo at lalabag sa mga ipinatutupad ng pamahalaan partikular sa kasalukuyang laban sa pandemiya dulot ng COVID-19.