MULA sa 20 miyembro ng Senate Blue Ribbon, ay nasa walo pa lamang ang pumirma sa partial committee report na pinaikot ni Senator Richard Gordon.
Ang committee report ay may kaugnayan sa ginawang mahabang pagdinig nito sa pandemic deals ng pamahalaan.
Hanggang ngayon ay majority sa mga miyembro ng Senate Blue Ribbon ang hindi pa pumipirma sa draft report ni Senator Richard Gordon.
Pebrero 1 nang inilabas ni Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon ang partial committee report nito matapos ang 18 pagdinig na ginawa ng komite kaugnay sa pandemic deals ng pamahalaan.
Sa draft report, pinakakasuhan nito hindi lamang ang mga opisyal ng pharmaceutical corporation, at ang dating hepe ng PS DPM na si Lloyd Christopher Lao kundi maging si Health Secretary Francisco Duque III.
Nakalagay din sa committee report na dapat papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa betrayal of the public trust.
Pero hanggang ngayon ay walong senador pa lamang ang pumirma sa naturang report, labing dalawa dito ay di pa tiyak kung pipirma.
Mga senador na pumirma sa Senate Blue Ribbon partial committee report:
- Senator Richard Gordon
- Senator Panfilo Lacson
- Senator Manny Pacquiao
- Senator Leila de Lima
- Senator Koko Pimentel
- Senator Francis Pangilinan
- Senator Franklin Drilon
- Senator Risa Hontiveros
Sa labing dalawa na hindi pa pumirma sa report ay sina:
- Senator Sonny Angara
- Senator Grace Poe
- Senator Cynthia Villar
- Senator Win Gatchalian
- Senator Pia Cayetano
- Senator Lito Lapid
- Senator Bong Revilla
- Senator Francis Tolentino
- Senator Christopher Bong Go
- Senator Imee Marcos
Kabilang din sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Majority Floor Leader Migz Zubiri ang hindi pa pumirma sa naturang report.
Pero ayon sa opisina ni Gordon, tatlong pirma na lamang ang kakailanganin nito bago mai-file ang committee report at madala sa plenaryo.
Pero kahit madala na ito sa plenaryo ay dadaan pa ang report sa interpellation, amendments at botohan bago aprubahan ng buong Senado ang committee report.
Sinabi naman ni Senator Ping Lacson na ang pagpirma niya sa report ay hindi nangangahulugan na suportado na nito ang mga recommendations ng chair.
Sa katunayan ay may reserbasyon ang senador sa ilang mga nakasulat sa committee report at nakatakda itong mag-interpellate kung sakali.
Aniya ang akusasyon na may betrayal of public trust sa bahagi ng pangulo ay napakabigat na rekomendasyon dahil isa aniya itong impeachable offense.
Dagdag ni Lacson kailangan niyang makakita muna ng matibay na ebedensya para dito bago siya tuluyang boboto pabor sa committee report.
“Mabigat na usapin ‘yon at dapat pag-aralan nang mabuti at sabi ko, unless i-present, makakita ako ng compelling evidence na mayroong betrayal of public trust, eh do’n pa lang ako pipirma ng pag-adopt ng resolution or committee report,” pahayag ni Lacson.
Nilinaw din nito na ang ipinalabas na report ni Gordon ay hindi pa ang opisyal na committee report ng Senate Blue Ribbon hangga’t hindi ito sinusuportahan o nilalagdaan ng majority ng mga myembro nito.
Sinabi naman ni Sen. Richard Gordon na 11 na pirma o lagda ang kailangan ng komite bago ito mai-report sa plenaryo.
Ayon naman kay Senate President Tito Sotto III duda itong may betrayal of trust sa bahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una na ring nagsabi si Senator Ronald Bato dela Rosa na tututol siya sa naturang report oras na maidala na ito sa plenaryo ng Senado.