NILAGDAAN ng Pilipinas at Estados Unidos ang isang kasunduan para sa kooperasyon na may kaugnayan sa “Peaceful Uses of Nuclear Energy”, o ang tinatawag na 123 Agreement.
Tinagurian itong pinakamabilis na kasunduan na nilagdaan tungkol sa nuclear energy.
Sa sideline ng 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting at mga kaugnay na aktibidad sa San Francisco, California, sinabi ni Pangulong Marcos na ang 123 Agreement ay ang unang “major step” sa pagpapalakas ng bilateral na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ang Estados Unidos.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtataguyod ng nuclear energy bilang bahagi ng energy mix ng bansa pagsapit ng 2032.
Nilagdaan ni Department of Energy (DOE) Secretary Raphael Lotilla ang 123 Agreement kasama ang US Secretary of State Anthony Blinken.
Sinabi ni Pangulong Marcos na nalulugod siyang masaksihan ang isa pang milestone tungo sa mas ‘energy-secure’ at ‘green Philippines’.
Ito’y habang inaalala ng Punong Ehekutibo ang kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) kung saan inilatag niya ang mga plano para matiyak ang abot-kaya, maaasahan, at sustainable na suplay ng enerhiya sa Pilipinas.
Nauna rito, nilagdaan ng Philippines’ Manila Electric Co. (Meralco) ang isang cooperation agreement sa Ultra Safe Nuclear Cooperation (USNC) ng US.
Layon ng kasunduan na magsagawa ng Pre-Feasibility Study sa Micro-Modular Reactors (MMRs) para tuklasin ang malinis at sustainable na mga opsiyon sa enerhiya sa Pilipinas.
Inilahad ni Pangulong Marcos na ang mga kasunduan na pinirmahan ng Pilipinas at US ay nagpakita lamang ng mas pinatibay na ugnayan ng dalawang bansa.
Sa kabilang dako, pinasalamatan ni Secretary Blinken si Pangulong Marcos at ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas para sa patuloy na ugnayan ng US at Pilipinas at sa pinalawak na partnership.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Secretary Lotilla kay Pangulong Marcos sa suporta nito maging sa negotiating team para sa matagumpay na pagsasagawa ng negosasyon na nagresulta sa paglagda ng 123 Agreement.
Bago ang kasunduang ito, ilang pagpapalitan ng mga draft at tatlong round ng bilateral na konsultasyon at negosasyon ang naganap sa pagitan nina DOE Undersecretary Sharon Garin at Principal Deputy Assistant Secretary of State Ann Ganzer noong Marso 2023.
Nakumpleto ng kani-kanilang interagency team ng Pilipinas at US ang negosasyon ng kasunduan noong Setyembre 19, 2023.