12K traditional public utility jeepney, balik-pasada na sa Metro Manila

12K traditional public utility jeepney, balik-pasada na sa Metro Manila

SA pagbabalik ng Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ)ay nagbabalik din sa lansangan ang mga tinaguriang hari ng kalsada –ang traditional public utility jeepney.

Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na aabot sa 12,443 otorisadong mga traditional public utility jeepney (PUJ) na ang nagsimula nang pumasada sa National Capital Region (NCR) simula kahapon.

Ang mga nasabing jeep ay bumibyahe sa 126 na mga ruta sa Metro Manila.


Kaugnay nito sinabi ni Roque na mahigit 3,211 na mga tsuper ang nakinabang sa P5-M tulong pinansyal mula sa TV host na si Willie Revillame.

Ang naturang cash assistance ay ipinamahagi sa mga jeepney driver nitong Miyerkules sa Central Office ng LTFRB.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng Palasyo si Revillame sa handog na ayuda para sa mga jeepney driver na nawalan ng hanapbuhay dahil sa community quarantine restrictions.

Samantala, nasa 1,621 na otorisadong UV Express na ang bumabyahe sa 51 ruta sa Metro Manila.

Nasa 3,662 naman na mga pampublikong bus ang nag-umpisa na ring bumiyahe sa 31 ruta sa NCR.

Pinayagan na ring mag-operate ang 20,493 authorized taxi units habang 23, 776 TNVS naman ang pwede na ring pumasada.

Tuluy-tuloy naman ang handog ng Department of Transportation (DOTr) na libreng sakay para sa mga health worker.

Sa katunayan, mayroon nang mahigit 1.5 milyong ridership sa buong bansa ang naitala nitong August 19.

Ipinaalala naman ng DOTr ang mahigpit na pagpapatupad ng no face mask, no face shield, no ride policy sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon.

Inihayag din ni Roque na mayroon na ring 32 airports na nagkaroon na ng commercial flights ang nagbalik na sa kanilang operasyon ngayong GCQ kung saan lahat ay may clearance mula sa local government units (LGUs)

Habang, tanging 17 paliparan na lamang ang hindi pumapayag sa commercial flights.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.