PINANGUNAHAN ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang serbisyo caravan na “Lab for All” sa Ramon J. Guico Sports and Civic Center sa bayan ng Binalonan, Pangasinan kung saan mahigit 13,000 Pangasinense ang nabigyan ng libreng medikal, legal, at iba pang serbisyo na pinasimulan noong Oktubre 19-24.
Ayon sa First Lady, pangunahing layunin ng caravan na mailapit ang pangangailangang pangkalusugan sa publiko lalo na sa mga rural na komunidad.
‘‘The caravan primarily aims to bring health care closer to the public, especially in rural communities,” ayon kay First Lady Liza Araneta-Marcos.
Isa sa mga ahensiya ng gobyerno na nakiisa sa programang “Lab for All” ang Department of Health (DOH) na namahagi ng mga gamot, diet supplement packages para sa mga buntis, oral health family pack, 100 wheelchair, 50 foldable walker, dalawang pedia walker, at anim na pares ng mga saklay, laboratoryo sa X-ray, electrocardiography, ultrasound, pediatrics at OB-Gyne.
Nagpaabot din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food packs at tulong-pinansiyal na nagkakahalaga ng hanggang P2,000 kada benepisyaryo.
“We also provided financial assistance on the spot to some patients if the doctors determined that the patient needs further medical intervention. This is for extreme cases,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.
Kaisa rin ng nasabing programa ang TESDA kung saan personal ding dumalo sa aktibidad si TESDA Sec. Suharto Mangudadatu.
‘‘Lab for All stands for ‘Laboratoryo para sa mga kababayan natin’. It was conceptualized by the First Lady Liza Araneta Marcos. Ang reason niya is gusto niyang makita ang bawat provinces kung ‘yung programa ba ni Pres. Bongbong Marcos Jr., ay ginagawa ng iba’t ibang mga departamento katulad ng TESDA, na ito ba ay nakakarating sa mga scholar, ito ba ay nagkakaroon tayo ng skills training, para sa lifelong programs natin, up scaling, rescaling,’’ ani Sec. Suharto Mangudadatu, TESDA.
Dagdag pa ng kalihim, nagtungo sila sa Kingdom of Saudi Arabia sa isang state visit kung saan nag-request ang nasabing bansa ng 3,000 skilled workers kada taon sa loob ng 10 taon.
Bukod pa rito, tiniyak ni Sec. Mangudadatu na magkakaroon ng transparency sa ilalim ng kaniyang pamumuno kung saan sisiguruhin nito na maraming mga benepisyaryo ang makikinabang sa scholarship ng ahensiya.
‘‘Gumawa kami ng Situationer overview of the entire Philippines. Para malaman ko, ilang ang TVET-accredited, ilang TTI, ilang ang graduate namin every quarter, kasi meron akong tina-target na minimum of 1,000 to 3,000 ang obligasyon ko na maturuan ng skilled training. So, very challenging in my position right now. The only thing can be realized is through the partnership of the DepEd, that the TVET can be integrated doon sa senior high school,’’ saad pa ni Sec. Mangudadatu.
Namahagi rin ang TESDA ng mga starter tool kit para sa paggawa ng tinapay, organic tea-making, pedicure at manicure, dress-making at mga scholarship slot.
Nagpa-raffle naman ang National Housing Authority (NHA) ng limang slot para sa Pangasinan Ville, isang government housing project sa Urdaneta City habang nag-alok naman ang Food and Drug Administration (FDA) ng “Programang Bigyang-halaga, bangon Micro, Small, and Medium Enterprises” na nagbibigay ng pagsasanay sa lisensiya sa pagpapatakbo at sertipiko ng pagpaparehistro ng produkto.
Namahagi rin ang Commission on Higher Education (CHED) sa 600 na estudyante ng tig P15,000.
Nagpaabot naman ng pasasalamat kay First Lady Liza Marcos si Pangasinan Gov. Ramon Guico III sa matagumpay na programa ng pambansang pamahalaan.
Bukod pa rito, pinasalamatan din ni Sec. Mangudadatu si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagtitiwala na ibinigay sa kaniya na maging kalihim ng TESDA gayundin kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ at SMNI News na naging kapartner nito sa paghahatid ng serbisyo sa taumbayan.
“Thank you so much sa SMNI, kay Pastor, and the rest of the host, isang magandang magandang maka-Diyos po sa ating lahat,’’ ayon pa kay Mangudadatu.