13 Pinay surrogate mothers na nakulong sa Cambodia, patuloy na tinutulungan ng pamahalaan─DMW

13 Pinay surrogate mothers na nakulong sa Cambodia, patuloy na tinutulungan ng pamahalaan─DMW

PATULOY na nakikipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa labing tatlong surrogate mothers na convicted sa Cambodia.

Nilinaw ng DMW na hindi Overseas Filipino Workers (OFWs) ang mga naturang surrogate mothers kaya ang mga kaso nila ay hawak ng DFA.

Gayunpaman, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na kasama rin sila at ng kanilang pamilya na patuloy na tinutulungan ng pamahalaan.

Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na sa kabila ng conviction, ikinatuwa ng kagawaran na napagaan ang parusa ng mga Pinay.

Ito’y dahil sa halip na dalawampung taong pagkakakulong sa ilalim ng batas ng surrogacy, trafficking na lamang ang ikinaso sa kanila at mula sa apat na taon ay napababa na lamang ng dalawang taon ang kanilang parusa sa Cambodia.

Inihayag din ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na simula pa lamang ng pag-aresto ng mga awtoridad sa Cambodia sa mga Pinay surrogate mother ay hindi na sila pinabayaan ng gobyerno ng Pilipinas.

Bukod pa dito, ang IACAT ay nagpadala na rin ng delegation na may mga fiscal, abogado, may mga ahente ng NBI upang bisitahin din ang mga nakakulong na mga surrogate mothers at nakipag-ugnayan sa DOJ ng Cambodia.

Pinaliwanag din ng delegasyon ng Pilipinas na sila ay biktima ng human trafficking ngunit dahil may batas ang Cambodia tungkol sa kasong ito, pinaliwanag nila kung hanggang saan matutulungan ang mga Pinay surrogate mother.

Dalawa sa mga surrogate mother ay nakanganak na kaya’t inaayos na ang pagkupkop sa kanilang sanggol sa pakikipagtulungan sa Department of Social Workers and Development (DSWD) at Department of Justice (DOJ).

Sabi din ng IACAT na dapat din bantayan ang pagpapalaki sa mga batang ito lalo na sila ay hindi kadugo ng mga inang nagdalang tao sa kanila.

Samantala, mariing pinapayuhan ng DMW ang publiko upang maiwasan ang ganitong panganib, siguraduhing lisensyado sa DMW ang kausap na recruiter at wag patulan ang mga online platform na kapalit ay ang pagsingil ng malaking halaga.

Pinaalalahanan din ng DFA ang mga Pilipino na huwag magpapadaya sa mga alok na maging surrogate mother sa Southeast Asia.

“Bawal ang surrogacy sa Cambodia, kaya kung mayroong offer sa inyo, offer—may alok sa inyo online na maging surrogate mother $10,000 dollars ang bawat baby, 10 to 12, hindi po totoo iyan, kasi pupunta kayo doon pero crime naman iyon sa mga bansang iyon,” ayon kay Usec. Eduardo de Vega.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter