INAASAHAN na ang pagdami ng mga pampublikong transportasyon sa lansangan sa Lunes, Agosto 22, kasunod ng pagbubukas ng mga pre-pandemic non-EDSA routes.
Ito ang inanunsyo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chief Atty. Cheloy Garafil kahapon, araw ng Miyerkules, kung saan tinatayang nasa 133 ruta ang magbubukas kasabay ng unang araw ng pasukan.
Kabilang sa bubuksan ay nasa 52 jeepney routes, 32 UV Express routes, at 33 non-EDSA City bus routes na pansamantalang tinanggal ng ahensya dahil sa COVID-19 pandemic.
Ani Garafil, inaasahang nasa 11,000 mga pampublikong transportasyon ang makikinabang sa nasabing pagbubukas ng ruta.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng dalawang Memorandum Circulars mula sa LTFRB, MC 2022-067 at MC 2022-068 na magiging epektibo ngayong araw ng Huwebes.
Pagtitiyak naman ni Garafil na ang mga nasabing ruta ay dadaan sa mga lugar na mayroong maraming paaralan gaya na lang ng University Belt sa Maynila.
Epektibo ngayong araw ang pagkuha ng mga operator ng kanilang special permit habang ang mga jeep at UV Express na may umiiral nang mga valid na Certificate of Public Convenience (CPC) ay maaaring magsimulang bumiyahe sa mga lumang ruta nito sa bisa ng nasabing memorandum.
Ani Garafil, magtatagal lamang sa 2 araw ang pagkuha ng special permit ng mga operator.
Sa ngayon ay hindi pa napapagplanuhan ng LTFRB kung magbubukas din ba ng karagdagang ruta sa EDSA Busway.
BASAHIN: 436,000 na mga sasakyan, inaasahang babaybay sa EDSA ngayong pasukan – MMDA