14 district engineers ng DPWH, tinanggal na sa trabaho dahil sa isyu ng korupsiyon

TINANGGAL na sa trabaho ang labing apat na district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang ikinasang imbestigasyon ng kanilang task force.

Ito ang kinumpirma ni DPWH Secretary Mark Villar kung saan kabilang aniya ang na-relieve na district engineers sa mga pinangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa korupsiyon.

Sinabi ni Villar na nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa iba pang mga tauhan sa ilalim ng kanyang departamento na dawit sa corruption issue.

Kaugnay nito, inihayag din ng kalihim na magkakaroon din ng rigodon sa loob ng ahensiya at maraming magiging pagbabago dito.

Tiniyak naman ni Villar na hindi magiging malaki ang epekto ng reshuffling sa gitna ng mga proyektong naiwan ng na-relieve na district engineers sa gagawing pag-reshuffle.

Aniya, malaki naman ang departmento at marami ring professionals kasabay ng pagpapatupad ng sistema rito.

Sinabi ni Villar na tinatrabaho na nila ang reorganization ng district engineers at inaasahang maiimplementa na ang reshuffling sa buwan ding ito.

Samantala, humihingi naman tulong ang DPWH sa ibang ahensiya para magkaroon ng case build up sa mga reklamo hinggil sa korupsiyon.

Ipinaliwanag naman ni Secretary Villar ang may kinalaman sa alegasyon na may ‘pork’ ang 2021 ng DPWH.

“Kung mayroong nakikitang mga bagay na kailangang ayusin or mga wastages na nakikita namin, definitely aayusin namin kaagad and ‘di kami papayag na masayang ang pera ng bayan…implemented properly that are needed,” ayon kay Villar.

Matatandanag ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang task force para imbestigahan ang korupsiyon sa buong pamahalaan, na sisimulan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

SMNI NEWS