MAKIKINABANG ang 14 na Barangay sa Maddela sa itatayong P100 milyon water treatment plant and distribution facility ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Quirino District Engineering Office.
Ginanap kahapon ika-8 ng Hunyo ang ground breaking ceremony ng P100 milyon Maddela water distribution system dito sa lalawigan ng Quirino.
Sa ulat ni District Engineer Lorna B. Asuten, kabilang na ang water treatment facilities, flood control, drainage, bank and slope protection gaya ng stone masonry, reinforced concrete retaining wall and gabions at generator set sa konstruksyon ng P100 milyon water plant Level III Water System.
Pinagunahan ng DPWH – Quirino District Engineering Office (DPWH-QDEO) ang groundbreaking ceremony sa San Pedro, Maddela, Quirino na dinaluhan din ni Gov. Dakila Carlo E. Cua.
Pinuri ni Asuten ang joint venture project na ito ng DPWH at Local Government Unit para makapagbigay ng ligtas at malinis na tubig sa 20, 380 residente ng 14 na Barangay sa Maddela na mag-bebenipesyo sakaling matapos na ito.
Ayon kay Asuten, maliban sa pagkakaloob ng sapat na suplay ng tubig sa bayan ng Maddela ay sisiguruhin din nilang ligtas sa kontaminasyon at ano mang impeksyon sa tubig ang publiko.
Dagdag pa ni Asuten, matapos ang seremonya ay kanila ring inenspeksyon ang nagpapatuloy na konstruksyon ng P500 milyon four lane San Pedro Bridge, P100 milyon Ngilinan Bridge at P82 milyon San Pedro River Control.
(BASAHIN: Imbestigasyon sa massive flooding sa Cagayan Valley, welcome sa NIA)