141 PDLs sa Manila City Jail Male Dorm, palalayain na bago ang Pasko

141 PDLs sa Manila City Jail Male Dorm, palalayain na bago ang Pasko

HINDI na yellow kundi puti na ang suot ng mga persons deprived of liberty (PDLs) mula sa Manila City Jail Male Dormitory.

Ito’y dahil ilang linggo bago ang Pasko ay laya na ang nasa 141 na mga preso na nakasuhan sa Manila Regional Trial Court (RTC).

Karamihan sa mga ito ay nakulong dahil sa paggamit ng ilegal na droga o paglabag sa Republic Act No. 9165, section 11.

139 sa mga PDL ay napalaya sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) habang ang dalawa ay nakalaya dahil tapos na ang kanilang sentensiya sa loob.

Ang mga PDL ay nasentensiyahan ng tatlong taon pababa.

Ni-review nang mabuti ang lahat ng kanilang naging record sa loob ng kulungan.

Ang pagpapalaya na ito ay bahagi ng Layang Inaasam sa Napapanahong Okasyon (LINO) Project ng Jail Management na napapanahon din para sa decongestion.

Kamakailan lang ay nagkaroon ng Jail Decongestion Summit ang Korte Suprema, Department of Justice (DOJ), at Department of Interior and Local Government (DILG) para mabawasan ang sobra-sobrang bilang ng mga preso sa piitan.

Sa kasakukuyan, ang Manila City Jail Male Dormitory ay may 3,885 na populasyon gayung ang kapasidad lang ay nasa 1,182.

Meron itong 232% congestion rate.

Ang sabi ng jail management, maaaring bago magtapos ang taon ay meron ulit silang palalayain lalo pa’t regular ang pagre-review sa mga record ng mga PDL.

Ang panawagan ngayon sa mga bagong laya, tuluyan nang magbagong-buhay at ‘wag nang bumalik sa kulungan.

Ang mga pamilya ng mga bagong laya, 10:00 pa lang ng umaga ay naroon na sa labas ng Manila City Jail Male Dormitory para sa kanilang paglaya.

Pagkatapos mapirmahan ang kanilang papel ay ganap na silang nakalabas ng piitan.

Ang isang inmate na apat na taon na lang ay magiging senior citizen na, aniya ayaw na talagang bumalik sa loob.

Ito’y kahit marami aniyang natutunan sa loob ng kulungan.

Ang iba naman, excited na makalabas dahil sa mga anak nilang naghihintay sa kanila sa Pasko.

Habang ang ibang asawa ng layang PDL, pakiramdam nila ay sila ang nakalaya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble