146th Founding Anniversary ng Impasug-ong, Bukidnon, ipinagdiriwang

146th Founding Anniversary ng Impasug-ong, Bukidnon, ipinagdiriwang

ASAHAN ang makulay at makabuluhan na selebrasyon ng ika-146 na Foundation Day ng bayan ng Impasug-ong.

Dahil sa kilala ang bayan ng Impasug-ong na Tribal Capital ng Bukidnon, sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang ritwal o singampo.

Nagtipun-tipon ang lahat ng datu at tribal leaders sa bayan para sa isang dalangin at pasasalamat sa Poong Maykapal sa biyaya na nakamit ng lungsod matapos ang maraming dekada.

Sa eksklusibong panayam kay Mayor Anthony Uy, sinabi niya na maraming aktibidad ang inihanda ng kanilang lokal na pamahalaan para sa lahat.

“Ating simulan na masaya ang pagdiriwang ng ika-146 Founding Anniversary sa bayan ng Impasug-ong,” ayon kay Hon. Anthony A. Uy, Mayor Impasug-ong.

Mula sa parada na sinundan ng isang programa kung saan naging espesyal na bisita ng lungsod ang regional director ng Department of Agriculture (DA) ng Region 10, hanggang sa pa-boodle fight na handog ng lokal na pamahalaan ay naging makulay ang pagsisimula ng selebrasyon na magtatapos naman sa Setyembre 22.

Nagpaabot ng kanilang pagbati ang iilan sa mga opisyal at nagbalik-tanaw naman sa unti-unting pag-usbong ng bayan mula sa kilalang communist terrorist group (CTG) infested area na ngayon ay isa na sa maunlad na bayan ng Bukidnon.

“This time we celebrate 146th Day of Impasug-ong and when it comes to peace and security development, the perspective ng Philippine Army particularly sa 8IB ang bayan ng Impasug-ong ay malayo na ang narating. Una sa ating campaign dito sa insurgency through the National Task Force to End local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). We have gained so much,” ayon kay Col. Anthony Bacus, Commanding Officer 8IB.

Samantala, narito ang ilan sa mga dapat abangan na mga aktibidad sa araw ng Impasug-ong: ‘Motocross’, ‘Palarong ‘Pambayan’, ‘Laga Ta Impasug-ong’, at isa sa hindi dapat palampasin ang ‘Rodeo’ kung saan kilala ang bayan bilang Home of the Finest Cowboys.

Sa pagpapatuloy ng kanilang aktibidad ay inaanyayahan ni Mayor Uy ang lahat na bumisita at saksihan ang kanilang makulay na selebrasyon.

“Patuloy na serbisyong magtulungan, patuloy na kaunlaran para sa mamamayan. Tunay nga na kung patuloy ang pagtutulungan ng lahat, hindi nga posible na makamit ng bayan ang inaasam na kaunlaran,” ani Mayor Uy.

Follow SMNI NEWS on Twitter