150 health workers ng NKTI, inaasahang mababakunahan ngayong araw

NAGSIMULA kaninang alas otso ang pagbabakuna sa ilang health workers ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) matapos tumanggap ang ospital ng 300 dosis ng Sinovac vaccine.

Sa 2,400 na mga health worker ng NKTI, nasa 150 indibidwal ang pumayag na maturukan ng Sinovac kaya ang mga ito ang nakatakdang magpaturok ngayong araw.

Ayon kay Dr. Rose Marie Liquete, director ng NKTI, nadagdagan pa ang bilang ng mga gustong magpaturok ng Sinovac vaccine sa kanilang hanay.

Itoy matapos ang matagumpay na paglulunsad ng symbolic vaccination sa mga ospital sa Metro Manila.

Ani Doctor Liquete, handa naman ang pamahalaan na magbigay ng karagdagang dosis ng Sinovac vaccine para sa mga gusto pang magpaturok ng naturang bakuna.

At upang pangunahan ang kampanya at himukin ang iba na magpabakuna, mismong si Dr. Michael Jaro, Ancilliary Services Head ng NKTI ang nagbakuna sa kanyang sarili.

Tinawag naman ito ng Department of Health na selfie vaccination.

Samantala, ayon kay Jules Ryan Boquiren, nurse at ang kauna-unahang nabakunahan sa nasabing pasilidad, wala siyang naramdamang sakit at magaan naman ang kanyang pakiramdam.

Umaasa naman ang pamunuan ng NKTI na tataas pa ang kumpiyansa ng iba pa nilang health workers sa Sinovac vaccine.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang pagbabakuna sa mga tauhan ng NKTI at tatapusin nito ang pagbabakuna sa mga 150 health workers ngayong araw.

SMNI NEWS