152 OFWs sa Saudi Arabia, namatay dahil sa COVID-19

152 OFWs sa Saudi Arabia, namatay dahil sa COVID-19

NASA 152 overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi dahil coronavirus disease o COVID-19 sa Saudi Arabia.

 

Ito ang kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III sa Laging Handa Public Briefing kungsaan ang orihinal o kabuuang bilang ng namatay na mga OFW sa Saudi ay umabot sa 301.

 

Mula sa orihinal na bilang, 152 OFWs ang nasawi dahil sa COVID-19 habang ang 149 ang namatay dahil sa natural causes tulad ng sakit, nadisgrasya, nagkaroon ng high blood o dialysis.

 

Sa 152 na namatay sa coronavirus ay may nailibing nang 23 kung saan 20 doon ay may permission na mula sa kanilang pamilya pero ang Saudi government ay naglibing pa pala ng tatlo na wala man lang notice sa Philippine government at nitong Martes lang sila nag-abiso.

 

Kaya may natitira pang 129 na lang na OFWs na namatay dahil sa COVID.

 

Sa 149 naman na nasawi dahil sa natural causes, napauwi na ang mga labi ng apat na OFWs.

 

Sa kabuuan, 274 OFWs na lamang ang nakatakdang iuwi sa Pilipinas mula Saudi Arabia.

 

Nangako ang DOLE na ma-repatriate ang natitirang mga labi ng mga Pinoy mula sa Saudi Arabia bago mag-Hulyo  4.

 

Kaugnay nito, patuloy nang tinatrabaho ng ahensya ang mga requirement maging ang health protocols at exit visa ng mga namatay na OFWs para mapauwi bago mag July 4 dahil kung hindi ay ililibing na ng Saudi government ang mga ito.

 

 Safety protocols sa pagpapauwi ng mga labi ng OFWs mula sa Saudi Arabia, tiniyak

 

Inilatag naman ng DOLE ang mga protocol sa pagpapauwi ng mga labi ng OFWs na nasawi dahil sa COVID, ani Bello, alinsunod sa health standard ng World Health Organization (WHO), babalutin muna ang mga ito, pero bago babalutin sa body bag ay i-disinfect muna ang body bag bago ipasok ang labi.

 

“Pagka naipasok na iyan, isasarado at pagkatapos ay seselyuhan mabuti ang body bag after that merong casket, yung casket bago ipasok yung body bag, idi-disinfect din at pagkatapos ay ipasok ang bodybag and then seal it again. Ganoon ka strikto yung health protocol,” pahayag ni Bello.

 

Pagdating naman ditto sa Pilipinas, agad-agad mula sa paliparan, itutuloy ang mga labi sa crematorium, maki-cremate agad, ito’y base sa rekomendasyon ng WHO na kapag namatay dahil sa infectious disease, kailangang ma-cremate na ito sa loob ng 24 oras.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.