158-M COVID-19 vaccines, inaasahang darating sa bansa ngayong taon

158-M COVID-19 vaccines, inaasahang darating sa bansa ngayong taon

INIULAT ng Palasyo na 158-M doses pa ng COVID-19 vaccines ang inaasahang darating sa Pilipinas ngayong taon.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mula sa naturang bilang, 113 million ang magmumula sa supply deals ng limang vaccine manufacturers gaya ng Sinovac, Sputnik V, Moderna, AstraZeneca at Pfizer.

Nasa 44 million naman ang manggagaling sa COVAX Facility habang 1 million dito ang donasyon mula sa China.

(BASAHIN: Supply agreement ng 40-M Pfizer doses, sinelyuhan na ng Pilipinas at US)

Sa pinakahuling tala nitong Hunyo 20, 12.7 million vaccine doses na ang nai-deliver sa Pilipinas.

Sa nasabing bilang, 7.5 million ay Sinovac; 2.55 million AstraZeneca; 2.46 million Pfizer; at 180,000 doses ay Sputnik V vaccines.

Samantala, 8.2 million vaccine doses na ang naiturok sa 6.1 milyong mga Pilipino sa buong bansa kung saan 2.1 milyong indibidwal na ang nakatanggap ng kanilang ikalawang dosis ng bakuna.

500,000 doses na daily vaccination rate, posible

Nitong Hunyo 15, nakapagtala ang bansa ng pinakamataas na bilang ng vaccine shots kada araw na umabot sa 322,929 doses.

Sa kabilang banda, malugod na kinumpirma ng Malakanyang na pinirmahan na ng Pilipinas ang isang supply agreement sa Pfizer para sa pagbili ng 40 million doses.

Saad ni Roque, ito ang pinakamalaking vaccine procurement deal ng Pilipinas ngayong 2021.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na kapag dumating na sa bansa ang 40 million doses ng Pfizer ay hindi imposible na ang higit 322,000 daily vaccination rate, ay tataas na sa 500,000 doses.

“Napakita na rin natin na 322,000 a day jabs ay kaya natin, so iyong ating target po na 500,000, hindi po impossible iyon,” pahayag ni Roque.

“So sabihin natin na iyong komputasyon ko nga po, kung 500,000 a day at mayroon tayong 40 million na parating, eh ang first dose po niyan ay 20 million. Eh, ang sampung araw po ay 5 million, so in 20 days ay tapos po iyong first jab para sa paparating na 40 million na Pfizer,” dagdag ng kalihim.

Kaya naman, tiwala ang Palasyo na makakamit ang tinatarget na containment ng COVID-19 bago magtapos ang taong kasalukuyan.

“Mahigit 8 million na po ang bakunado sa atin, so by the time dumating po itong Agosto eh mas marami na po tayong mababakunahan. Baka kaya na natin ang 12 million niyan and we are aiming between 50 and 70 million,” ani Roque.

Gayunman, nilinaw ni Roque na hindi lamang umaasa ang bansa sa Pfizer vaccines para sa pagkamit ng population protection.

“So, malapit po tayo sa ating goal, dahil I repeat, hindi naman natin inantay talaga ang Pfizer, nagsimula na po tayo using other brands of vaccines,” ayon pa ni Roque.

SMNI NEWS