IPINAGKALOOB ng Department of Agrarian Reform o DAR ang 159 land titles sa 150 Agrarian Reform beneficiaries sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Nakatanggap ng land titles na may kabuuang 98. 79 ektarya ng lupa o rice farm ang 150 benepisyaryo ng Agrarian Reform dito sa probinsya ng Nueva Ecija mula sa Department of Agrarian Reform.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary john castriciones, maliban sa mga 159 land titles na ipinagkaloob sa mga magsasaka ay nakatanggap din ng 1.2 ektarya ng lupa ang munisipalidad ng Talavera na pinamumunuan ni Mayor Nerivi Santos-Martinez para sa advanced cold storage facility ng mga ani ng mga magsasaka sa barangay Bantug hacienda.
Pahayag ni Martinez, ang ipinagkaloob na cold storage ay reyalisasyon ng matagal na nilang hinihiling taon pang 2004 kung saan may kapasidad ito na mailagak ang 120,000 bags mula sa 2,500 na mga magsasaka sa limang bayan na pangunahing prodyuser ng sibuyas ng lalawigan.
Pahayag pa ni Association of Barangay Council President Nerito Santos Jr., ang donasyon ng DAR ay magbibigay pag-asa at tulong sa mga kababayan lalo na sa sektor ng agrikultura.
Ang mga pinagkalooban ng 159 titulo ng lupa ay mula sa munisipalidad ng Cuyapo, Guimba, Pantabangan Rizal at Talavera.
Pinangunahan din ni Castriciones at Martinez ang pamamahagi ng mga kagamitan sa pagsasaka na nagkakahalaga ng P1.5 Milyon sa ilalim ng Sustainable Livelihood Support for Disaster-Affected Areas (SLSDAA) program para sa 6 na benepisyaryo sa 6 na bayan ng probinsya.
Samantala, 4 na reform beneficiaries organization o arbos mula sa 3 munisipalidad ang nakatanggap ng P18.7 Milyon assistance.
(BASAHIN: P14.4-M housing project para sa mga dating rebelde, itatayo sa Nueva Ecija)