16 na barangay sa Mandaluyong, nagtala ng zero case ng COVID-19

INIHAYAG ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos na 16 na barangay ang walang kaso ng COVID-19 at isang bagong kaso lamang ang naitala nitong Disyembre 12 ng City Health Department.

Ayon sa Mandaluyong LGU na bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod bunga ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan sa pagbabakuna katuwang ang pribadong sektor.

Nakatulong rin aniya ang pagsunod ng mga residente pati na rin ang mga hindi residenteng nagtatrabaho sa lungsod sa health protocols na itinakda ng IATF.

Kabilang sa mga barangay na may zero cases ay ang Bagong Silang, Barangka Ibaba, Barangka Ilaya, Burol, Daang Bakal, Hagdan Bato Itaas, Hagdan Bato Libis, Harapin ang Bukas, Mabini-J. Rizal, Mauway, Namayan, Pag-asa, Pleasant Hills, Poblacion, San Jose, at Vergara.

Mga barangay sa Mandaluyong na wala ng active cases

(as of December 12, 2021)

Bagong Silang

Barangka Ibaba

Barangka Ilaya

Burol

Daang Bakal

Hagdan Bato Itaas

Hagdan Bato Libis

Harapin ang Bukas

Mabini-J. Rizal

Mauway

Namayan

Pag-asa

Pleasant Hills

Poblacion

San Jose

Vergara

Patuloy na hinihikayat ng Mandaluyong LGU ang mga resident nito na laging magsuot ng face mask, maghugas at mag-sanitize ng kanilang mga kamay, at panatilihin ang physical distancing kahit na ang lungsod ay naabot na ang herd immunity.

Metro Manila, wala nang mga lugar na naka-granular lockdown

Samantala, ibinahagi naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nasa 42 na lugar na lamang sa buong bansa ang naka-granular lockdown.

Pero sa National Capital Region, wala nang mga lugar na naka-lockdown dahil sa patuloy na bumababa ng active cases.

“Sa katunayan po sa buong Pilipinas, 42 areas na lamang po ang nasa granular lockdown at nakakaapekto sa 51 households o 107 individuals. Titingnan po natin sa National Capital Region, zero na po, wala ng area sa NCR ang nasa granular lockdown,”pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año.

Paliwanag ni Año na malaking tulong ang pagpapatupad ng alert level system at ang epektibong COVID responder hindi lang sa NCR, maging sa buong bansa.

“Dahil po epektibo ‘yung ating ginagawang Alert Level System, ‘yung pagpapatupad ng ating minimum public health standard at ang ating massive na pagbabakuna, nakikita po natin na talagang mababa na ang ating mga cases,” ani Año.

LGUs, hinikayat na mas paigtingin ang testing at contact tracing

Sa ngayon ayon sa Department of Health (DOH) nasa minimal risk na lang ang buong Pilipinas kung saan ang average daily attack rate ay  less than one per 100,000 population habang ang two-week growth rate ay nananatiling nasa negative zone.

Nanawagan naman ng Health Sec. Francisco Duque sa mga lokal na pamahalaan na mas paigtingin pa ang pag-detect, pag-contact tracing at pag-testing upang matukoy kung saan talaga galing ang mga patuloy na mga kaso ng COVID at tuluyan na itong maibaba.

“Kaya nananawagan din po ako, Mr. President, sa lahat po ng mga local chief executives na magsagawa ng kanilang mopping-up operations na habang mababa na po ang mga kaso, kung matukoy pa ho nila kung saan talaga galing ang mga patuloy na mga kaso ng COVID ay dapat po dito talaga magsagawa sila ng early detection, testing, contact tracing para ng sa ganoon ay posible pong ma-zero natin ‘yung mga COVID cases sa kanila pong mga komunidad,”ayon kay Duque.

SMNI NEWS