UNTI-unti nang nagkakaroon ng kontak sa kani-kanilang pamilya ang 17 Pilipinong marino na nabihag ng Houthi rebels sa Red Sea.
Ito ang iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega sa Bagong Pilipinas Ngayon nitong Biyernes.
Aniya, 12 Pinoy seafarers na ang nakapagtawag sa kanilang pamilya base sa ulat nitong Huwebes at maaari pang madaragdagan ang naturang bilang sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ng DFA official, pinapakain at hindi sinasaktan ng Houthi rebels ang mga bihag.
Gayunpaman, giit ni De Vega, hindi aniya nangangahulugang masaya na ang gobyerno na nakokontak na ng seafarers ang kanilang pamilya, bagkus, puspusan pa rin ang pagsisikap ng pamahalaan para tuluyang mapalaya ang mga ito at ligtas na makauwi sa bansa.
Ibinahagi pa ng opisyal na sa katunayan, may mga bansa ring nakikipagtulungan sa Pilipinas upang mapalaya na ang mga hostage ng naturang rebelde.
Inihayag naman ni Usec. De Vega na hindi pera o ransom money ang hinihingi ng Houthi rebels, kundi recognition na makilala sila, hindi lang bilang rebelde kundi bilang legitimate force din.
Bukod dito, nabanggit din ni De Vega na patuloy pa ring sumasahod ang mga na-hostage na marino.
Muli namang tiniyak ng DFA na mabibigyan ng pamahalaan ang mga pamilya ng seafarers ng mga kinakailangang tulong o package of assistance.
Sa huli, inaasahan ng DFA na mapapalaya at mapapauwi ang Filipino seafarers bago mag-Pasko.