INIULAT kamakailan ng Department of Health (DOH) sa isang pagdinig sa Kamara na 17% ng school children sa bansa ang gustong wakasan ang kanilang buhay o nais magpakamatay.
Ang datos ng DOH ay batay sa kanilang pag-aaral nitong 2021 kung saan mga kabataan at adolescents ang nag-iisip na magpatiwakal.
Batay rin sa pag-aaral ng kagawaran, mula sa mahigit kalahating milyong kabataan na nag-iisip magpakamatay nitong 2013, tumaas ito sa mahigit 1.5 million nitong 2021.
At 7% lamang sa nasabing bilang ang nagpapapayo sa kanilang mga magulang at 25% ang nagpapapayo sa mga kaibigan.
Kaya ayon kay Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, nakakaalarma ang nasabing bilang at dapat itong agapan ng pamahalaan.
Nanawagan naman si Reyes sa Senado na tumbasan ang galaw nila sa Kamara na magpasa ng mga polisiya para sa mental health ng mga kabataan.
Sa kanilang parte sa Mababang Kapulungan, lusot na sa third and final reading ang House Bill 06574 o ang “Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.”
Inaatasan ng panukala ang Department of Education na mag-recruit at magsanay ng mental health professionals sa lahat ng public schools para matugunan ang lahat ng mental at emotional needs ng mga kabataan.
Nai-transmit na sa Senado ang panukala nitong Pebrero 1 at umaasa sila sa Kamara na aaksyunan agad ito ng Mataas na Kapulungan.
“It is incumbent upon us, lawmakers, to safeguard the mind and mental health of the young,” ani Reyes.