KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakatakda nang umuwi sa bansa ang 17 na mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa bansang Israel sa araw ng Miyerkules.
Inanunsiyo ng DMW na sa pagdating ng mga naturang OFW, iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas ang sasalubong sa kanila at tutulong pagdating palang sa airport.
Bukod sa DMW, tutulong din ang DFA, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at marami pang iba.
Kinumpirma rin ng DFA ang mga naturang OFW na uuwi ng bansa ang mga ayaw nang manatili sa Israel.
Nilinaw rin ni De Vega na ang repatriation naman sa Gaza ay wala pang kumpirmasyon kung kailan maiuuwi ng bansa dahil hindi pa kumpirmado ang petsa kung kailan makararating ang mga ito ng Cairo.
Nasa 135 na mga Pinoy ang nagpatala para sa repatriation sa Gaza.
Sa ngayon ayon pa kay De Vega, nasa tatlo pa rin ang naitalang nawawalang Pilipino at 3 pa rin ang nasawi sa gitna ng sagupaan ng Israel at ng grupong Hamas at ang labi ng mga nasawi ay pagsisikapan na ma-repatriate ngayong buwan ng Oktubre.
Samantala, ayon naman kay OFW Partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, na nakahanda rin tumulong ang kanilang tanggapan para sa mga OFW na nais nang umuwi ng Pilipinas.
Magkakaroon din ng press briefing ang DFA, araw ng Miyerkules para sa patuloy na pagbibigay na update sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Israel.