MAAYOS na ang kalagayan ng 18 marinong Pilipino matapos hulihin ang kanilang barko ng Iran sa Gulf of Oman kamakailan.
Ito ang tiniyak ng pamahalaan sa mga pamilya ng mga Pinoy seafarer na ngayon ay nasa kostudiya ng Iranian government.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Usec. Patricia Yvonne Caunan, patuloy ang ginagawang negosasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para mapalaya ang mga ito.
Tiniyak din ng DMW na patuloy rin itong makikipag-ugnayan sa DFA para makapagbigay ng update sa kalagayan ng mga marino.
Matatandaan na hinuli ng Iranian navy ang oil tanker na MV St. Nikolas noong Enero 11 na patungo sana ng Turkiye lulan ang tinatayang nasa 145,000 toneladang krudo at mga crew na binubuo ng 18 Pinoy at isang Greek national.
Napag-alaman na ang hinuling oil tanker ay sangkot sa Washington-Tehran dispute sa pagitan ng Estados Unidos at Iran noong 2023.