NAKAPANLULUMO ang kasalukyang krisis na nararanasan ngayon ng India, ang ikalawang bansa sa buong mundo na may pinaka malaking populasyon, sa tindi ng epekto ng second-wave ng COVID-19.
Noong Huwebes nag tala ang India ng pinaka mataas na bilang ng 379,257 new infections at 3,645 new deaths sa loob lamang ng isang araw. 19.5 milyon na ang kabuuang bilang ng tinamaan ng sakit sa buong bansa, na itinuturing din na world record sa mga kaso ng COVID-19 infections sa buong mundo.
Punong-puno na ang mga ospital at morgue at hindi na mabilang ang ginagawang pag-cremate ng mga patay na katawan, na kinailangan nang gawin sa mga pampublikong lugar at bakanteng lote.
Makikita araw-araw sa Indian social media ang hindi mabilang na post ng mga taong nag mamaka-awa at nag hahanap ng ospital at oxygen para sa kanilang mga kaanak at kakilala na tinamaan ng nakamamatay na sakit.
Umabot na sa puntong dalawang pasyente na ang nakahiga sa isang kama sa dami ng nagkakasakit araw-araw. Bilang tugon sa problemang ito, ang mga hotel at istasyon ng tren ay ginawa nang pansamantalang pagamutan, matugunan lamang ang kakulangan ng maayos na pasilidad upang gamutin ang mga pasyente.
Sadsad na rin ang moral ng mga doktor, nurses at health workers sa buong bansa. Dahil sa dami ng dapat gamutin ay hindi na nila magawang mag pahinga.
Ang mga political rallies at religious festivals na idinaos ilang linggo na ang nakaraan ang itinuturong dahilan o ‘super-spreader’ kung bakit nararanasan nila ngayon ang kasalukuyang krisis. Samantala, sinisisi naman si Indian Prime Minister Narendra Modi na diumano nagpabaya at nabigo sa kanyang tungkulin. Maiiwasan daw sana itong mangyari kung naging responsibleng lider lamang umano si Modi, hindi daw naging mahigpit ang prime minister sa pagpapatupad ng preventive measures at health protocols.
Bakuna ang inaasahang solusyon na nakikita ng mga health experts. Bagama’t tinaguriang pinaka malaking prodyuser ang India ng mga bakuna sa kasalukuyan, hindi sapat ang mismong supply ng bansa.
Nasa 9% lamang ang opisyal na bilang ng nabakunahan mula sa 1.4 bilyong Indian citizens. Marami na umano ang sumubok na mag sign-up sa social media at websites ngunit bigo silang makakuha ng vaccination slots. Paliwanag ng isang opisyal, pansamantalang itinigil ng 3 araw ang vaccination drive dahil sa kakulangan ng suplay.
Nagpalabas na ng travel advisories ang iba’t-ibang bansa na pumipigil na tumanggap ng mga byaherong magmumula sa India.
Pinangungunahan ng America, Russia, Germany at maging ng Bangladesh ang pagpapadala ng libu-libong oxygen tanks at medical supplies upang tugunan ang kasalukuyang krisis na nararanasan ng India na dulot ng second wave ng nakamamatay na COVID-19.