Higit sa 18,000 katao ang nakatanggap ng AstraZeneca vaccine sa South Korea sa unang araw pa lamang ng kanilang pagbabakuna.
Umabot sa 18,489 na katao ang nakatanggap ng unang dosis ng AstraZeneca vaccine noong Biyernes ika-26 ng Pebrero.
Kabilang rito ang mga Healthcare Worker, mga Staff na tumutulong sa care facilities at iba pang high risk na indibidwal.
Nauna nang ipinahayag ng gobyerno ng Seoul na plano nitong magbakuna ng 32 milyon katao hanggang 36 milyong katao hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Umaasa ang bansa na makukuha na nito ang herd immunity sa Nobyembre kung saan kinakailangan ay mabakunahan nito ang 70% ng kabuuang populasyon nito.
Ang unang batch ng AstraZeneca vaccines ay ipamamahagi sa 229, 000 katao.
55,000 Health workers naman ang nakatakdang tumanggap ng unang batch ng bakuna mula sa Pfizer Inc. at Biontech sa ilalim ng COVAX program ng World Health Organization (WHO) sa coronavirus treatment facilities ng bansa.
Maliban sa AstraZeneca, Pfizer at COVAX, ang South Korea ay nagkaroon na rin ng kasunduan sa Moderna Inc, Novavax Inc. at Johnson and Johnson para sa bakuna kontra COVID-19.