193-K dosis ng Pfizer COVID-19 vaccine, darating ngayong araw sa bansa

193-K dosis ng Pfizer COVID-19 vaccine, darating ngayong araw sa bansa

NGAYONG araw ay inaasahan ang pagdating ng  higit 193,000 dosis ng  COVID-19 vaccine ng Pfizer.

Ang mga naturang bakuna ay sakay ng DHL Plane Flight LD457 na inaasahang lalapag sa Bay 49 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal-2, alas 9:00 ng gabi.

Kinumpirma ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na ang Pfizer COVID-19 vaccine ay kabilang sa initial roll out at test run na gagamitin sa Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao at sa iba pang mga lungsod na may kakayahang mangasiwa ng mga special vaccines at may mga cold storage facility.

Ang Pfizer vaccine ay kailangan mailagay sa isang cold storage facility na may minus o negative 80 degrees Celsius.

Prayoridad naman ng naturang bakuna ang mga sektor na nasa ilalim ng A1 hanggang A3 category.

May efficacy rate na 95% ang Pfizer COVID-19 vaccine laban sa symptomatic cases ng COVID-19 at dalawang dosis ding ituturok ito sa pagitan ng 21 araw.

Matatandaan nitong Sabado, Mayo 8, dumating ang nasa kabuuang 2,030,400 milyong dosis  ng AstraZeneca vaccine na donasyon ng iba’t ibang international organizations tulad ng World Health Organization (WHO), United Nations Children’s Fund (UNICEF) at United Nations Development Programme sa Pilipinas.

Ito na ang ikatlong batch ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na dumating sa bansa mula sa COVAX Facility na pinangangasiwaan ng WHO.

Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Jr., gagamitin ang mga bakuna na AstraZeneca sa mga A1 hanggang A3 group sa buong bansa, partikular ding ibabahagi ito sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.

Majority rin na  pupuntahan ng mga naturang bakuna ay sa mga health care workers na nasa ospital, lalong lalo na sa mga hindi pa nabakunahan, ganun din sa mga barangay emergency response team

Samantala, nakatakda namang darating ang 1.3 milyong dosis ng Pfizer BioNTech ngayong buwan ng Mayo.

Ngayong buwan ay umabot na sa higit.3.7 milyong dosis ng bakuna ang dumating sa Pilipinas, bahagyang mahigit sa kalahati mula sa 7-M target na dosis ng bakuna na darating sa buwang ito.

(BASAHIN: Pekeng Pfizer vaccine, mahigpit na binabantayan para hindi makapasok sa bansa)

SMNI NEWS