1st PH Golf Tourism Summit, makatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho sa bansa—DOT

1st PH Golf Tourism Summit, makatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho sa bansa—DOT

SA unti-unting pagbangon ng sektor ng Turismo ngayong 2023, tututukan na rin ng Department of Tourism (DOT) ang pagpapalakas sa Golf Tourism ng bansa.

Araw ng Martes, isinagawa ng ahensiya ang kauna-unahang Philippine Golf Tourism Summit.

Ang Golf Tourism ay isang multi-billion dollar kung kaya’t inaasahan ng ahensiya na malaking tulong ito sa pagpapalago ng ekonomiya.

“Napakalaki ng oportunidad na binibigay ng golf tourism if we are able to consolidate the efforts of the national and the local government as well as our private golf tourism industry stakeholders para naman mabigyan ng pagkakataon ‘yung ating golf courses in the country to be known all over the world,” pahayag ni Sec. Cristina Garcia Frasco, Department of Tourism.

“Magbibigay ng karagdagang trabaho para sa ating mga kababayan and of course additional tourism receipts,” aniya.

Dumalo sa summit ang iba’t ibang golf stakeholders mula sa kalapit bansa.

Target kasi ng DOT na ma-posisyon ang Pilipinas bilang global hub sa usapin ng sports kabilang na rito ang golf tourism.

Sinabi pa ng kalihim, hindi lamang ito makatutulong na palakasin ang golf tourism ng bansa maging ang iba pang sektor na may kaugnayan sa turismo.

Sa katunayan, naabot na ng bansa ang target na 4.8-M na International Foreign Arrivals ngayong 2023.

Positibo ang kalihim na mas tataas pa ito sa tulong ng golf tourism.

Tinutugunan na rin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng maayos na imprastraktura tulad ng mga kalsada para sa mas mabilis at maayos na connectivity.

Pagkakaroon ng mga direct flight, maayos at magandang seaports at airports na ilan sa mga inilatag na concerns ng mga golf tourism stakeholder.

Nakipagtulungan din ang DOT sa grupo ng mga tour operator para sa pagkakaroon ng golf tourism packages.

Sa ngayon, ang Pilipinas ay may higit 100 golf courses na nakakalat sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang Santa Barbara Golf Course sa Iloilo Province ay itinuring na pinakalumang golf course na itinayo noong 1907 sa buong Asya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble