INAASAHAN ng bansa ang pagdating ng mahigit sa 2.3 milyong dosis ng COVID-19 vaccine ngayong buwan hanggang sa unang bahagi ng buwan ng Abril.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., ang mga nasabing bakuna ay CoronaVac vaccine na binili ng pamahalaan at ang iba ay donasyon ng China at AstraZeneca.
“It will be coming from Sinovac, 400,000 from China donation. And then also we are working on the procurement through DOH, the 1 million Sinovac. So, a total of 1.4 Sinovac vaccines,” pahayag ni Galvez.
Inaasahan din ang pagdating ng 979,200 dosis ng AstraZeneca ng World Health Organization (WHO) sa pamamagitan ng COVAX Facility sa Marso 22.
Kamakailan lang ay lumipad si Galvez patungong India upang tiyakin ang kasunduan sa pagbili ng Pilipinas ng 30 milyong dosis ng Novavax.
Inaasahan namang darating ang Novavax vaccine sa pangalawa o pangatlong kuwarter ng taong 2021.
Samantala, tiwala naman ang gobyerno na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino laban sa COVID-19.
Siniguro naman ni Galvez na mapabilis na ang pagbabakuna kapag maging full-scale na ang immunization drive pagdating ng mga bakunang binili mula sa iba’t ibang vaccine manufacturers.
Nasa kabuuang 161 milyong dosis ang planong bibilhin ng Pilipinas para sa pagbabakuna sa 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon.